PINANGANGAMBAHANG magdulot ng negatibong epekto ang insidente ng hindi pagkakaunawaan ng Pilipinas at Taiwan. Ito ang napag-usapan namin ng aking anak na si Senator Jinggoy Estrada.
Nag-ugat ang isyu nang ipadeport ng Pilipinas ang 14 Taiwanese at 10 Chinese na naaresto. Ang mga ito ay miyembro umano ng “international scam syndicate” na ang target ay mga taga-China. Umaabot sa $20 milyon ang kanilang na-swindle sa mga nabiktima nila.
Ayon sa Malacañang, legal at tumpak ang deportasyon dahil mga taga-mainland China ang biktima, doon din nakasampa ang asunto at naroon din ang halos lahat ng mga ebidensya ng kaso. Pero iprinotesta ng Taiwan ang deportasyon laluna’t matagal na silang may alitan ng China. Ayon sa Taiwanese government, dahil dito ay magsasagawa sila ng pagganti sa Pilipinas. Ilan umano sa mga isasagawa nila ay ang pagpapatigil ng kanilang investments sa Pilipinas, at paghihigpit na rin kundi man tuluyan nang pagpapatigil sa pagpasok ng OFWs sa kanilang bansa.
Ang Taiwan ay kabilang sa “top 10 OFW destination countries” kung saan ay umaabot sa 40,000 Pilipino ang nabibigyan ng trabaho kada taon. Umaabot na sa 80,000 hanggang 100,000 Pinoy ang nagtatrabaho ngayon sa Taiwan.
Ayon kay Jinggoy, kailangang maresolba agad ang naturang di-pagkakaunawaan ng Pilipinas at Taiwan. Ito aniya ay kailangang isagawa sa pamamagitan ng sinserong pakikipagdayalogo ng ating mga opisyal sa Taiwanese government.
Base naman sa ulat ni DoLE Undersecretary Danny Cruz kay Jinggoy, masusi nilang tinututukan at inaasikaso ang usapin at ito aniya ay pinangungunahan mismo ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz.