NOONG nakaraang taon, walong Hong Kong tourists ang hinostage ng isang nadismis na pulis habang nakasakay sa bus. Yung walong turista ay nagtungo sa Pilipinas para masdan ang mga magagandang tanawin. Ang hangad nila ay mag-enjoy kaya narito. Pero kabaliktaran ang nangyari sapagkat pinatay sila ng pulis.
Lumikha ng kaguluhan ang pangyayaring iyon at hanggang ngayon, taglay pa ng mga taga-Hong Kong ang kahindik-hindik na pangyayari. Naapektuhan ang pagdagsa ng mga turista at siguro’y matatagalan pa bago muling manumbalik ang sigla ng turismo. Dahil sa ginawa ng isang pulis, ang nagdusa ay ang bansa mismo. Paano pa igagalang ang mga pulis?
At tila hindi pa nagkakaroon ng leksiyon ang mga pulis sa nangyaring hostage taking na iyon sa Quirino Grandstand sapagkat mayroon na namang umulit. Hindi nga lang panghohostage kundi panghuhulidap sa turista rin.
Limang pulis sa Makati City ang nambiktima ng isang turistang German noong Enero 29, 2011. Limang laptop ang “dinagit” ng mga pulis-hulidaper. Ayon sa report nilapitan ng limang pulis German na si Daniel Ludwig habang nasa A Venue mall sa Makati Avenue dakong 12:45 ng hatinggabi. Inakusahan ng limang pulis si Ludwig na bumibili ng mga peke. Itinanggi naman ni Ludwig ang akusasyon. Nang hindi matinag ang turista, inakusahan ito ng mga pulis na bumibili ng droga. Sinabi umano ni Ludwig na tatawag siya sa German Embassy pero hindi siya pinagbigyan ng mga pulis at sa halip inakusahan itong nagsusuporta sa mga turista.
Isinakay si Ludwig sa patrol car at dinala sa Power Plant Mall at doon puwersahang pinabili ng limang laptop na nagkakahalaga ng P222,149. Pagkatapos mahulidap, nagtungo ang German sa kanilang embahada at doon nagsumbong. Nakilala ang limang hulidaper na pulis. Sinibak na sila.
Kung hindi nagsumbong si Ludwig, nakalusot ang mga pulis hulidaper. Maaaring marami pang turista ang hinulidap ng lima at hindi nga lang nagsumbong dahil natatakot. Maaaring hindi na sila uulit magtungo rito dahil sa masamang karanasan na dinulot ng ilang pulis. Panahon na para disiplinahin ang ilang miyembro ng PNP na nagbibigay ng kahihiyan sa bansa.