KAILANGAN ng bansa ang mga foreign investors. Ngunit kung pumapangit ang relasyon ng mga ito sa kanilang local counterparts, kailangang agad na maresolba ito dahil hindi mainam sa business climate. Katulad na lang nitong isyung ating papaksain.
Ang Temps and Staffers Inc. (TSI) ay isang Pinoy manpower firm na gumagastos ng malaki sa pagsasanay ng mga kawani para magsilbi sa mga dayuhang kompanya. Kliyente nito ang Samsung Electronics Phils. Co. (SEPCO) isang bantog na tagagawa ng kagamitang electronics.
Pero umasim ang relasyon ng dalawang kompanya. Inirereklamo ng TSI na pinirata ng SEPCO ang may 700 kawani nito at pinutol ang kontrata sa naturang kompanya. Nagdemanda ng illegal recruitment ang TSI laban sa SEPCO. Dahil dito, sandamakmak na press releases umano ang ipinalabas ng SEPCO na nag-aakusa ng harassment sa TSI.
Mula pa noong 2005, ang TSI ay ka-partner na ng SEPCO. Ito ang nagma-market sa mga electronic products ng Samsung. Nagtalaga ang TSI ng mga kawani sa opisina ng SEPCO para tumulong sa pagpapalago ng negosyo. Ngayon, may legal battle ang TSI at SEPCO. Sabi ng TSI, pinahahalagahan nila ang SEPCO gaya rin ng pagpapahalaga sa ibang kliyente nito. Ipinagmamalaki ng TSI ang mainam na relasyon sa mga dayuhang kompanyang ka-partner nito dahil sa kalidad ng manpower na naibibigay ng Pilipinong kompanya. Ipinagmamalaki rin ng TSI na sa kanilang partnership sa SEPCO, lumaki ang ang benta ng Samsung sa bansa mula P2.8 bilyon noong 2007 na naging P7.2 bilyon noong nakaraang taon.
Ikinagulat daw ng TSI nang bigla na lamang putulin ng SEPCO ang kontrata nito noong May 2010. Lumipat daw ito sa SD Human Tech, isang Korean firm. Ang masaklap, ni-recruit nga ang mga empleadong pinagkagastusan ng TSI kaya ngayo’y ipinaglalaban nila sa Korte ang kanilang karapatan.
Mahalaga sa bansa ang mga foreign investors. Ngunit sa ganitong mga kaso, tingin ko’y dapat mapangalagaan ang mga Pilipinong kompanya na nakikipag-partnership sa mga dayuhan.