Tunay na kulay
HINDI masisi ang lipunan kung pinagpipistahan ang malalaswang detalye ng pangungurakot sa military. Hindi sa hukuman binitiwan ang mga paratang nina Rabusa at Mendoza. Gayun pa man ay opisyal pa rin ang kanilang salaysay dahil ito’y sinumpaan at binigkas sa Senado at sa House. Ang suma total: Hindi ito maaring balewalain.
Sa opinyon ng publiko’y hinatulan na sina Angelo Reyes, Garcia, Ligot at iba pa. Maging ang iba pang sumunod at naunang mga nanungkulan ay mahihirapang itatwa ang hinala ng lipunan na sila rin ay maaring kasangkot.
Maaalalang ang pagtalikod ni Reyes, noo’y AFP Chief of Staff, kay Pres. Joseph Estrada ang nagsemento sa nabuong pag-aaklas at pang-agaw ng kapangyarihan ng grupo ni GMA sa EDSA 2. Ang sigaw ng grupo ay itigil ang corruption at immorality sa pamahalaang Erap. Di bale at wala pa noong napatunayan sa mga paratang; eh ano kung ang inumpisahang proseso ay hindi pa hinayaang makumpleto. So what kung may batas na dapat sundin? Basta inatras ang suporta sa “duly constituted authority”.
Too late nang matauhan ang bayan na ang pinasahan ng tiwala upang ibangon ang bansa ay mga bantay salakay pala na mas masahol pa sa siniraang administrasyong Estrada. At habang walang awang ikinasa ang buong puwersa ng gobyerno sa prosekusyon sa plunder ng dating presidente – na buong pagkalalaking hinarap ang mga akusasyon – naging saksi naman ang bansa sa walang patid ding pagkagahaman ng bagong administrasyon. Nagmukha tuloy barya ang ibinintang na kasalanan kay Erap.
Sa paglabas nitong huling bomba laban kay Reyes, kumpleto na ang larawan ng tunay na pangyayari sa EDSA noong 2001. Ang paninindigan ng bayan laban sa inakalang katiwalian ay ginamit lang para sa personal na interes ng ilan. Hindi tunay na protesta ang umiral – dahil paano magpuprotesta ang mas masahol sa pinuprotesta? Wala pala sa kanilang bayani. Sa halip ay pagka-oportunista ang namayani.
Sa isang banda’y matatawag na katarungan ang pangyayari nitong nakaraang mga araw. Pero ang suma total: Talo pa rin tayo. Napalitan ang isang demokratikong halal na Presidente ng isang walang mando; at ang ating mga pangarap at adhikaing iniasa sa inakalang kampeon ay naglaho ng parang bula sa pinakita nilang tunay na kulay.
- Latest
- Trending