SA totoo lang, napagod ako sa panonood ng pagdinig sa Kongreso sa plea bargaining agreement sa pagitan ng gobyerno at ni Carlos Garcia. Napagod ako sa inis. Inis sa mga dahilan at katwiran ng mga prosekyutor ng gobyerno na pinamumunuan ni Merceditas Gutierrez, ang Ombudsman ni Gloria Arroyo!
Hindi ko makuha ang pangangatwiran ng mga prosekyutor at ni Gutierrez mismo na mahina ang kaso laban kay Garcia dahil wala namang makitang pinagmulan ng milyun-milyon na pag-aari ni Garcia! Sa madaling salita, aminado sila na maraming pera at pag-aari si Garcia, pero hindi mapatunayan na nakaw ito dahil wala namang malinaw na pinagmulan ng pera! Wala naman daw mga supplier, contractor na puwedeng ipakita sa hukuman para umamin na sa kanila nga galing yung mga perang nagpayaman kay Garcia. Ha?!
Ano pala ang silbi ng mga lifestyle check kung lahat yun na rin ang gagawing depensa para hindi makulong? Ano pala ang pakialam ng BIR sa kayamanan ng isang tao kung sasabihin na hindi makita ang pinanggalingan nung kayamanan? Sabi ni Congressman Golez, sa kanyang pagtatala, kung si Garcia ay kumikita na ng P35,000 mula sa kanyang pagsilang sa mundong ito, aabutin ng higit 300 taon bago niya masamsam ang P135 milyon na handa na niyang isuko sa gobyerno!
Pero sandali, ang naitalang kayamanan ni Garcia ay higit P300 milyon! Kung ganun, higit 700 taon pala aabutin! Eh di maliwanag na hindi niya magagawa iyon. Saan pala galing ang pera? Ang sagot ay nangggaling mismo sa bibig ng kanyang mayabang na asawa. Mga supplier, mga contractor na sinuhulan siya para makuha ang mga kontrata! Pero para sa Ombudsman, dapat lumutang ang mga ito para maging malakas ang kaso. Entra ngayon si Heidi Mendoza.
Sa kanyang pagsasalaysay at presentasyon noong Martes, nakuha ni Heidi Mendoza ang tiwala at suporta ng mamamayang Pilipino, at kung sinumang pulitiko na may bahagyang utak man lang. Maliwanag na may kutsabahan sa pagitan ni Garcia at mga opisyal ng mga banko kung saan dumaan ang mga milyon-milyong pera! Lahat ito hindi binigyang timbang o pansin ng Ombudsman. Ngayon, alam na ng publiko. Alam na ng publiko kung paano mag-isip ang Ombudsman ni Arroyo. Alam na ng publiko kung paano kumilos ang mga ahensiya ng gobyerno kung may gustong protektahin. At alam na rin ng mga kriminal kung paano ipagtatanggol ang mga sarili nila kung kayamanan ang pinag-uusapan. Wala na palang problema kung hindi mo mapaliwanag ang kayamanan mo, basta’t walang malinaw na pinanggalingan.
Ngayon, lahat ng tiwaling transaksyon ay hindi na dadaan ng banko at wala nang pirmahan kung saan-saan. At kahit may mga katulad ni Heidi Mendoza, Jun Lozada, Joey de Venecia at iba pang mga whistleblower, wala nang takot ang mga kriminal, dahil nandiyan ang Ombudsman para bigyan sila ng paraan makalusot sa matagal na kulungan. Kahit napakaliwanag na ng ebidensiya, hindi pa rin uubra ito para sa utak ng Ombudsman. Di kaya dapat ang mamamayang Pilipino na ang humusga, habang may mga tauhan pa si Gloria Arroyo sa Ombudsman?