Kultura ng siksikan

HUGASAN na ng kamay hingggil sa aksidenteng naganap sa ETON Residences Greenbelt kung saan 10 trabahador ang namatay matapos mapatid ang mga kable ng sinasakyan nilang gondola. Nagtuturuan ngayon ang may-ari at mga gumagawa ng gusali, kung kaninong responsibilidad ang pagbabantay at pag-ooperate ng gondola. Ayon sa mga ibang opisyal, pandalawa o tatlong tao lang daw ang gondola, pero 11 ang nakasakay dito nang maganap ang aksidente. Kung ganun, hindi na nga nakapagtataka kung bakit napatid ang mga tali na nakakabit sa gondola. Pero sino nga naman ang pumayag na sumakay silang lahat? Siguradong may operator ito na alam ang kapasidad ng gondola. Binalewala na lang ba ito?

Hindi na rin ito bago sa ating kultura. Alam na natin ang lahat ng mga aksidente at trahedyang naganap sa dagat, kung saan laging overloaded ang barkong nasasangkot sa aksidente. Kaya siguradong laging mataas ang bilang ng mga nasasawi, dahil napakarami ng laman ng barko! Nasa kultura na ba natin ang magpumilit na sumakay sa anumang sakayan? Ganun din sa MRT/LRT. Kahit mistulang mga sardinas na ang tao sa dami at tindi ng siksikan, siguradong may magpipilit pang makasakay! Wala namang nagbabantay para sabihin na hindi na puwede. Ganun din sa mga gusali o establisimento. Natatandaan ninyo ang nasunog na Ozone Disco? Ilang daang tao ang nakasiksik sa napakaliit na lugar.

Kailangan nang tanggalin ang kultura ng siksikan at overloading sa ating lahat. Kailangan sumunod sa mga babala ukol dito, at anumang mga payo ukol sa kaligtasan. May dahilan kung bakit may mga babala at payo. Ang mahirap, hindi kadalasang pinapansin ang mga ito. Katulad na rin ng paghawak sa handrail ng mga escalator. Ito hindi talaga sinusundan kaya ng biglang huminto ang escalator sa may MRT sa Makati, ilang tao ang nasaktan! “Safety first” ang madalas nating makita kapag may ginagawang mga gusali o anuman. Hindi ito pang-display lang. Paalala ito na nasa peligrosong lugar, kaya dapat mag-ingat. Malungkot at tila hindi ito sinunod ng mga sumakay sa gondola. Kaya iniimbestigahan na kung sino ang dapat managot sa aksidente. Lumalabas na wala palang permit para gumamit ng gondola ang gusali, walang kuwalipikadong operator ng gondola at iba pang paglalabag. Kung walang operator na kuwalipikado, wala ngang magsasabi na pandalawa o tatlong tao lang yung gondola. Ngayon alam na ng lahat. Tiyak na wala muna sigurong sasakay ng gondola ngayon at maghahagdan na lang. Pero gaano katagal bago may hindi na naman makikinig sa mga babala at payo ukol sa kaligtasan? Kapag nakalimutan na ang trahedya sa ETON?

Show comments