Mga biktima
NGAYON lang naglalabasan ang pangalan ng mga nabikti-ma ng pagsabog sa bus sa EDSA. Naglalabasan na rin ang mga kuwento ng buhay nila, para makilalang bahagya ang mga pinakabagong biktima ng terorismo, o ang lagi ko ngang sinasabi, kaduwagan. Mga masisipag na tao na inaasahan ng kanilang mga pamilya para makaahon sa buhay. Sa pagsabog, naglaho na lahat ito. Mga pinaaaral para makakuha ng mas magandang trabaho sa ibang bansa, papa-interview para maging waitress, call center agent, driver ng FX. Dahil sila ang piniling patayin ng mga duwag, wala na lahat iyan.
Para sa mga nasaktan naman, ang pangamba sa kung sino talaga ang sasagot ng kanilang gastusin ang bumabagabag sa kanila. Nangako naman ang gobyerno na sila ang sasagot ng gastusin, pero hindi pa rin matanggal sa kanila ang matakot. At bakit hindi? Nirereklamo ng mga nasaktan sa pagbobomba na matagal bago rumesponde ang mga otoridad sa nangyari sa kanila. Nauna pa ang mga ordinaryong mamamayan na tumulong. Magtataka pa ba tayo?
Iyan din ang isang isyu palagi kapag may mga nangyayaring trahedya yung bagal ng pagresponde ng mga kinauukulang otoridad o ahensiya. Wala naman talaga tayong mga rescue teams na laging handa 24-oras. Palagi na lang may ginagawang ibang bagay kaya pag kinailangan na, ayun nahuhuli. Kung mga bumbero nga sa Tuguegarao City, katabi na lang ng pension house na nasunog, hindi pa nga mapuntahan kaagad! Ito pa sana ang dapat tingnan ni President Aquino. Ang pagkakaroon ng mga propesyonal na rescue at response teams hinggil sa mga ganyang sitwasyon. Hindi lang ang pulis, kundi lahat. Bumbero, ambulansiya, sundalo, pulis.
Hindi pa matiyak kung sino ang nasa likod ng krimeng ito, bagama’t may suspect na ang mga otoridad. Mukhang gawa na naman ng mga militanteng Muslim, dahil na rin sa klase ng bomba na ginamit. Ayoko sanang sabihin pero sino pa nga ba? Dapat talaga matagal nang tinapos ang mga iyan. Hanggan kailan tayo magtitiis na kasama ang mga iyan sa bansa? Kapag 100 bus na ang pinasabog? Kapag marami na ang nagiging biktima?
- Latest
- Trending