'Turista' hindi 'terorista'!
MARIING pinagdiinan ni Tigor Sianapar, isang American Indonesian national, na siya ay “turista” at hindi “terorista” sa kanyang pagpunta dito sa Davao City.
Si Sianapar ay nahuli nitong nakaraang mga araw sa kasong illegal possession of firearms dahil nga sa hawak-hawak niyang .38 caliber pistol nang sinita siya nang pulis sa Ciudad Esperanza sa may Buhangin District.
At sa kanyang pagkadakip dahil sa illegal possession of firearms, nahukay din ang marami pang ibang kaso ni Sianapar. Hinahanap ng mga otoridad si Sianapar dahil sa kanyang pagkasangkot sa tatlong kaso ng hit-and-run noong January 3 dito sa Davao City.
At Sianapar ay sinasabing tatlong taon na raw na overstaying sa Pilipinas pagkatapos niyang dumating dito noong 2007.
Sinabi ng Philippine National Pulis na posibleng sangkot din si Sianapar sa kung anong sindikato dahil sa wala nga raw siyang klarong pagkakitaan ngunit siya ay nakatira sa isang apartment na nirerentahan ng P30,000 ang buwan at ang kanyang electric bill ay umaabot ng higit P23,000. At hindi pa kasali ang iba pa niyang gastusin sa araw-araw, gayong wala naman siyang hanap-buhay na matino.
Kaya nagreklamo si Sianapar na siya ay turista at hindi terorista sa kanyang pagpunta dito sa bansa.
“I saw on TV that said I was a terrorist, I’m not a terrorist, I’m a tourist. I stayed in Davao City because I love Davao City,” bungad ni Sianapar sa interview sa kanya sa TV.
Ang kaso ni Sianapar ay kahawig na rin sa mga daan-daang iba pa na mga foreign nationals na undocumented na dumating dito sa bansa, partikular na ang mga Indonesians na pumapasok sa pamamagitan sa border waters ng Indonesia patungo sa karagatan ng Mindanao.
At ang mga Indonesian nationals na pumapasok sa pamamagitan ng border waters ay talagang hindi turista. Ngunit hindi rin masasabing walang ni isa sa kanila ang terorista na kasapi ng Jemaah Islamiyah international terrorist network.
Kung si Sianapar nga ay ilang taon ding na nakakalusot sa kanyang status sa kanyang pananatili dito sa Pilipinas, paano na lang kaya yong mga daan-daang Indonesian nationals na malayang nakakalabas-masok sa ating teritoryo.
Ayon kay dating Defense Secretary Norberto Gonzales, may higit 126,000 na boat trips taon-taon sa pagitan ng territorial waters ng Indonesia at Pilipinas na hindi man lang nasisita ng ating mga otoridad.
Ganun tayo kalampa sa pagbabantay ng ating teritoryo. Kaya malayang nakakagala ang mga terorista, gaya ng Abu Sayyaf, sa ating mga coastal areas.
Kaya nang sinabi ni Sianapar na turista siya at hindi terorista, isipin na rin natin ang higit 126,000 na boat trips kung ilan sa kanila ang turista at ilan ang terorista.
- Latest
- Trending