Magandang araw po, Dr. Elicaño. Ibig ko lang pong isangguni ang nararanasan ng aking anak na anim na taong gulang. Lalaki po siya. Lagi pong nakakaranas ng pananakit at pangangati ng taynga ang aking anak. May umuugong daw po sa loob. Palagi rin pong may sipon ang aking anak. Pagpayuhan po ng mga gagawin, Doktor. Salamat po. —MELBA SANTOS ng Camarin, Caloocan City
Maaaring may otitis media ang iyong anak, Melba. Mas makabubuti kung patingnan mo na siya sa isang EENT specialist para makatiyak. Huwag mo nang ipagpaliban pa ito.
Ang otitis media kasi ay kadalasang sa mga bata tumatama. Makadarama ng pangangati, pananakit at pag-ugong ng taynga. Magkakaroon ng luga. Kung hindi magagamot maaaring mauwi sa pagkabingi.
Karaniwang dahilan ng pagkakaroon ng otitis media ay ang pagkakaroon ng sipon o sinusitis. Kumakalat ang impeksiyon sa nasal passages at tumutuloy sa eustachian tubes na nakakonekta naman sa gitnang bahagi ng taynga. Itinuturong dahilan din ng otitis media ang maling pagbubuhos kapag naliligo kung saan ay puwersahang pumapasok sa taynga ang tubig. Nagkakaroon ng impeksiyon. Nararapat na malinis na mabuti ng dokor ang bahaging may impeksiyon sapagkat maaaring maging paulit-ulit ito at magkaluga.
Binibigyan ng antibiotic at external heat ang pas-yente upang mawala ang pananakit ng taynga. May mga kaso na ang antibiotics ay hindi nagiging mabisa kaya kinakailangan na ang anincision sa eardrum upang maalis ang nana. Makapagbibigay-ginhawa ito sa pasyente sapagkat nababawasan ang sakit.