MAHIGIT 600,000 tao ang pinapatay ng second-hand smoke taon-taon sa buong mundo, ayon sa pag-aaral sa Uropa. At marami-rami sa kanila ay mga bata, na nakakalanghap lang ng usok ng sigarilyo ng matatanda.
Sa kauna-unahang pagsusuri ng datos tungkol sa second-hand smoke nu’ng 2004-2010 sa 192 bansa, nabatid ng scientists na:
•Apat sa bawat 10 bata ang nae-expose sa buga ng sigarilyo ng ibang tao. Tatlo sa bawat 10 adult na lalaki at tatlo rin sa bawat 10 babae ang nakakalanghap ng second-hand smoke. Passive smokers ang tawag sa kanila.
•Ang pinapatay ng passive smoking taon-taon sa mundo ay 379,000 sa heart disease, 165,000 sa lower respiratory ailments, 36,900 sa asthma, at 21,400 sa lung cancer.
• Ang mahigit 600,000 na pinapatay ng paglanghap ng usok ng sigarilyo ng iba ay halos 1% ng taunang namamatay sa mundo.
Ani Armando Peruga, program manager sa Tobacco-Free Initiative ng World Health Organization, dapat isama ang 603,000 pinapatay ng passive smoking sa 5.1 milyong pinapatay ng paninigarilyo mismo. Ito’y para makita ang pinsala ng sigarilyo sa mundo.
TFI ang namuno sa pag-aaral, na tinustusan ng Swedish National Board of Health and Welfare at ng Bloomberg Philanthropies. Inilathala ito kamakailan sa British medical journal na Lancet.
Ani Peruga, nababahala sila sa 165,000 bata na pinapatay ng sakit sa baga na dala ng usok ng sigarilyo. Karamihan sa biktima ay sa Africa at Southeast Asia. Kabilang ang Pilipinas sa huli, kaya dapat mabahala rin tayo.
Ang mga anak ng naninigarilyong magulang ay mas malamang na mamatay sa sudden infant death syndrome, o dapuan ng ear infections, pneumonia, bronchitis at asthma. Mas mabagal din lumaki ang kanilang baga.