DALAWANG car dealers at drayber ang binaril sa ulo at saka sinunog. Itinapon ang kanilang mga bangkay sa magkakahiwalay na lugar. Isang judge sa Currimao, Ilocos Norte ang pinagtataga at nilaslas pa ang leeg. Isang 19-anyos na dalaga ang ginahasa at pinugutan pa ng ulo sa Magallanes, Cavite. Isang 13-anyos na nene ang ginawang sex slave ng isang pulis sa Olongapo City. Isang konsehal at dalawang iba pa ang pinagbabaril ng mga kalalakihang nakasakay sa motorsiklo sa Bangued. Abra. Dalawang Intsik at isang Pinoy ang nahulihan ng anim na kilong shabu sa Paco, Manila.
Pagpatay, panggagahasa at pagtutulak ng shabu. Karaniwan nang nangyayari ang ganito. Wala nang halaga ang buhay kung utasin ng masasamang loob. Wala nang kinatatakutan ang mga nanggagahasa. Wala nang kinasisindakan ang mga nagtutulak nang ipinagbabawal na gamot. Mayroon pang pagkatapos holdapin at makuha ang cell phone at alahas ay sasaksakin pa. Mayroong nagmamakaawa na ay babarilin pa. Halimbawa rin ang nangyari sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009 na 57 katao ang minasaker.
Wala nang ibang paraan kundi ibalik ang parusang kamatayan. Hindi dapat isakripisyo ang buhay ng mamamayan sa mga criminal na maski si Satanas ay natatakot dahil sa ginagawang karumal-dumal. Kung maibabalik ang parusang kamatayan, tiyak na marami ang matatakot na gumawa ng masama. Tiyak na marami ang mahihintakutan sa igagawad sa kanilang parusa kapag pumatay, nanggahasa at nagtulak ng droga.
Maski si President Noynoy Aquino ay nagpahiwatig na gusto niyang maibalik ang death penalty sa heinous crimes. Ang pagbabalik sa parusang kamatayan ay kasunod ng karumal-dumal na pagpatay sa dalawang car dealers na ang isa ay anak ng Marcos Loyalist na si Atty. Oliver Lozano. Dapat daw mapakinggan ang pulso ng masa ukol sa pagbabalik ng parusang kamatayan.
Maraming senador na rin ang pumapabor na ibalik ang parusang kamatayan. Kabilang dito sina Sen. Ramon Revilla Jr. at Sen. Juan Miguel Zubiri.
Kamatayan ang dapat iparusa sa mga pumatay, nanggahasa at nagtulak ng droga. Kung hindi sila mapaparusahan ng kamatayan marami pa silang papatayin, gagahasain at gagawing sugapa sa bawal na gamot.