(Huling Bahagi)
Nanginginig na pumasok sa loob ng selda si Mark. Pinagkumpulan siya ng mga lalaking bilanggo… pinalibutan.
Alam ni Mark ang ginagawa sa mga preso na bagong pasok sa kulungan. Gusto niyang humingi ng tulong subalit alam din naman niya na walang lalapit. Kahit ang kanyang ina hindi kayang pahintuin ang mga susunod na mangyayari.
NUNG Lunes naisulat ko ang tungkol sa umano’y sinapit na ‘torture’ ng isang 18 anyos na binata na si Mark Lito “Mark” Garcia sa kamay ng umano’y isang pulis GMA, Cavite na si PO2 Daisy Diones.
Lumapit ang isang grupo ng mga kalalakihan dinikitan ang mayor at sinabing, “Kosa, arbor ko na yan”.
Pagtingin niya nakilala niya ang lalakeng nagsalita. Kaibigan siya ng kanyang tiyuhin.
“Kami na bahala sa’yo boy, umarte kang kunwaring binubugbog," bulong umano ng kaibigan ng kanyang tiyo na si Boy.
Nagsisigaw si Mark na parang ginugulpi. Nang matapos ang drama, tinawag siya ni PO2 Diones. Nagkunwari siyang pilay. Nag-iika-ika maglakad.
“Hindi lang yan ang matitikman mo! Malaman ko lang kinakalaban ako ng nanay mo!” umano’y pananakot ni PO2 Diones.
Simula nun hindi na siya pinuntahan ng pulis.
Ika-15 ng Nobyembre nakapagpiyansa si Mark ng halagang labing dalawang libong piso (Php12,000). Kinailangan pa nilang isanla ang kanilang kubo-kubong bahay para magkapera.
Itinampok namin sa aming programa sa radyo “Hustisya Para sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00 ng hapon) ang istorya ni Mark.
Para makuha rin ang panig ni PO2 Diones kinapanayam namin siya sa radyo. Pinabulaanan lahat ng pulis ang bintang sa kanya. Hindi daw totoo ang mga kinwento sa amin ni Mark.
“Walang katotohanan ang sinasabi niya” depensa ni PO2 Diones.
Diretso naming tinanong ang pulis kung totoo bang nilagyan niya ng bala ang pagitan ng daliri ni Mark at saka ito piniga? Maliban pa rito totoo rin bang tinakot niya si Mark na ipapa-salvage niya ito ng minsan silang magkita sa perya? Mabilis namang sumagot sa amin ang pulis.
“Hindi po ako mamatay tao. Wala sa pamilya namin ang pumapatay ng tao. Hindi po ako nag-aral para lang pumatay. Wala naman akong mapapala,” paliwanag ni PO2 Diones.
Tinanong rin namin ang pulis kung totoo bang hiningian niya ng pera ang pamilya ni Mark? Tinanggihan ito ni PO2 Diones at mariing sinabing, “Hindi po totoo yan!”.
Idinagdag ni Mark sa mga rebelasyon niya na inutusan ni PO2 Diones ang mga kasama niya sa loob na kalbuhin siya.
Paliwanag naman ng pulis, “Hindi po… wala po akong alam dyan. Iba na ang mga nagbabantay sa kanila mga taga Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) hawak dyan. Taga imbestiga lang ako at taga-file ng kaso,”.
Hindi rin daw niya inutusan na bugbugin itong si Mark.
Itinanong na rin namin sa kanya kung may galit siya sa pamilya ni Adelaida dahil may personal silang alitan ng tiyahin ni Mark na si Imelda Lamar.
Mabilis siyang sumagot na hindi. Ni hindi nga daw niya alam kung ano bang kaso nito.
Dagdag pa ni PO2 Diones hindi na daw siya nagtataka na humantong sa mahabang usapin ang kanilang kaso dahil madalas naman umanong masangkot sa gulo ang pamilya Garcia.
Ibinunyag rin sa amin ni PO2 Diones na sampung taon (10) pa lang itong si Mark may rekord na siya sa kanilang presinto dahil sa kasong pagnanakaw.
Sinagot naman ito ni Mark at sinabing nadawit lang ang kanyang pangalan dito.
Nag-iwan naman ng pangaral si PO2 Diones sa mag-ina.
“Alagaan po nila ang mga anak nila dahil alam naman po ng mga tao dito ang background ng pamilya nila,” huling sabi nitong pulis.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa panig ni PO2 Diones, tama ginagawa niya lang ang kanyang trabaho bilang police investigator na i-file ito. Kung totoo naman ang alegasyon nitong si Mark na pinersonal siya at tinoture nitong babaeng pulis na ito. Maari nilang irekalmo ito sa National Police and Commission (NAPOLCOM) o kasuhan sa Human Rights Commission dahil meron na tayong ‘Anti-torture Law’.
Bilang tulong inerefer namin si Mark sa Presidente ng U.E Law Alumni Association at opisyal ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na si Atty. Alice Vidal para matulungan siya sa kanyang reklamo.
(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email address: tocal13@yahoo.com