'Palpak na retoke'
SA bawat operasyon, hindi laging may magandang resulta o kahihinatnan. May maliit na porsiyentong papalpak at kung minsan ay magdudulot ng kapahamakan sa tao.
Sa larangan ng medisina ng pagpapaganda o yung tinatawag na pagpaparetoke, may mangilan-ngilang hindi nasiyahan sa resulta matapos isagawa ang operasyon sa kanila.
Isa na rito si Liza, isang accountant na lumapit sa BITAG. ang kanyang pakay, ireklamo ang doktorang nagsagawa sa kaniya ng bust enhancement o boob job.
Imbes na magandang hugis ng dibdib, nana at sugat ang kanyang napala matapos ang operasyon.
Ayon sa plastic surgeon na si Dr. Jim Sanchez, tat-long bagay lamang ang maaaring maging dahilan ng palpak na retoke sa biktima.
Una, ang lugar at mga kagamitan kung saan isinagawa ang operasyon. Kinakailangang malinis at sterilized umano ang mga ito upang hindi pagmulan ng bacteria.
Ayon kay Liza, sa klinika umano mismo ng kanyang doktor isinagawa ang operasyon.
Ikalawa, ang doktor na nagsagawa ng operasyon. Kasama rito ang kanyang kaalaman, kasanayan at kung talagang espesyalidad nito ang isinagawang operasyon.
Sa kasong ito ni Liza, lehitimong doktor ang nagretoke sa kanyang dibdib.
At ikatlo, ang kalagayan ng pasyente mismo. May mga pasyente umano na talagang mahina ang resistensiya kung saan nagkakaroon ng negatibong reaction sa katawan ng tao ang anumang operasyong isagawa rito.
Eto ang naging problema ni Liza kung saan, sa pagsusuri ni Dr. Sanchez, mahina ang kanyang immune system kung kaya kahit natanggal na ang silicon sa kanyang dibdib, patuloy ang paglabas ng nana at dugo rito.
Ganunpaman, itinuloy ng biktima ang pagsasampa ng kaso sa Philippine Medical Association laban sa doktor.
Umano’y binalewala ng doktor ang kanyang sinapit matapos ang palpak na retoke. Hahayaan ng BITAG ang PMA na magdesisyon sa kasong ito dahil alam namin na may kapabayaang nangyari sa kasong ito.
Kaya babala ng BITAG. Sa lahat ng gustong suma-ilalim sa ganitong operasyon, dobleng pag-iingat at pagkilala sa sarili ang kailangan.
- Latest
- Trending