Editoryal - Di-magandang balak ng DILG sa PAOCTF
WALANG magandang naririnig sa Department of Interior and Local Government (DILG). Mula nang mangyari ang hostage crisis sa Quirino Grandstand noong Agosto 23, 2010 kung saan ay walang nagawa si Sec. Jesse Robredo, tila lalo pang nagiging walang kuwenta ang mga balak ng departamento. Ngayon ay isang balak ng DILG ang pinag-uusapan at tila seryoso sila na gawin ito. Ito ay ang pagbuhay sa Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF).
Sabi ng DILG ngayon daw na sunud-sunod ang pangingidnap, pangangarnap, panghoholdap sa mga banko at smuggling, ang PAOCTF daw ang kasagutan sa mga problemang ito. Masasawata raw ng PAOCTF ang mga criminal sa sandaling mabuhay ang task force.
Mariing sinabi DILG Undersecretary Rico Puno na ang PAOCTF ang kasagutan sa pamamayagpag ng mga notorious crime syndicate. Balak umano ng DILG na ang humawak sa PAOCTF ay mga star-rank officials. Lilikha raw ng bagong position kapag binuhay na ang PAOCTF. Pawang bago raw ang itatalaga sa bubuhaying task force.
Hindi maganda ang balak na ito ng DILG. Maaa-ring maganda ang kanilang layunin na masawata ang mga criminal pero ang buhayin ang isang namatay nang organisasyon, hindi kami sang-ayon dito. Batid naman nang marami na masama ang reputasyon ng PAOCTF. Sangkot sa masasamang aktibidad mula nang itatag noong panahon ni President Estrada at pinamunuan ni dating PNP chief at ngayo’y nagtatagong senador Panfilo Lacson.
Kulapol ng putik ang PAOCTF at ang nakulapulan ng putik ay hindi na magiging epektibo para maglingkod. Ang nagparumi sa PAOCTF ay sariling miyembro. Mga miyembro ng PAOCTF ang itinuturong dumukot at pumatay kay PR man Bubby Dacert at driver nitong si Emmanuel Corbito noong Nobyembre 2000. Ang inaakusahang “utak” sa Dacer-Corbito murder ay walang iba kundi si Lacson na hindi malaman kung saang lupalop nagtatago.
Mag-isip sana nang maganda ang DILG kung hangad nila ay masawata ang mga criminal. Hindi ang PAOCTF ang kasagutan dito. Magbuo ng ibang task force at siguruhin na ang mamumuno ay tapat sa tungkulin.
- Latest
- Trending