De facto President?
MAY mga nangangamba na sa pagpasok ni Mar Roxas sa administrasyon ni P-Noy ay magdadala siya ng sariling legal team. Legal team na “magpapaikot” kay Pangulong P-Noy. Huwag naman dahil lilitaw si Roxas na de facto president. Hindi naman marahil gagawing “puppet” ni P-Noy ang sarili.
May kategorikal nang pahayag ang Pangulo na hindi niya bibitawan si Executive Secretary Jojo Ochoa kaya ang teorya ng iba, baka ang papel ni Roxas ay chief of staff. Sana’y hindi lalung magdulot ng kumplikasyon ang pagpasok ni Mar sa eksena. Baka maging kaso ito ng dalawang kusinero at ang kalalabasan ng pagkaing iniluto ay nakakasuka.
Inaasahan na talaga ang pagpasok ni Roxas sa gabinete. Pero walang nakaaalam kung ano ang eksaktong papel niya hangga’t hindi napipirmahan ng Presidente ang kanyang appointment papers.
May mga nababahala na makalikha ng literal na bakbakan sa corridor of power kapag nangyari ito. Kaya ngayon pa lang, balita ko’y naghahasa na ng punyal ang iba’t ibang paksyon sa Palasyo. Dapat pigilan ito ng Pangulo.
Sino ba ang tinutumbok ni Presidente Noynoy nang tuligsain niya ang aniya’y “noisy minority” sa pagsisimula ng taon? Oposisyon ba? Kung titingnang, hindi naman nakahahadlang sa reform agenda ni P-Noy ang oposisyon. Hindi rin ito maingay.
Wala tayong ingay na naririnig mula kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na kasalukuyang Pampanga Congresswoman. Tingin ko, ang tunay na nakaiirita sa Pangulo ay ang mga naghahasik ng intriga sa loob mismo ng kanyang kawan. Siyempre, kasama na rin ang pagbara ng hudikatura sa reform agenda ng Pangulo.
Pero sabi ng iba hindi ito kundi ang paksyonalismo at intrigahan na nangyayari sa loob ng kanyang bakuran ang dahilan ng iritasyon ng Pangulo.
Umaasa ang milyon-milyong Pilipino na nagbigay ng mandato kay P-Noy na hindi patatangay sa agos at daluyong ng intriga ang ating Pangulo na may sari-ling bait.
- Latest
- Trending