Hinarang ang paghahabol ni P-Noy
PINIGILAN ang pagkilos ni President Noynoy Aquino ng diumano ay sa ngalan ng ligalidad kaya hindi kaagad naipatupad ang kanyang ipinangakong itutuwid ang mga kamaliang naganap ng nakaraang administrasyon. Hindi naman lingid sa mamamayan ang pag-aabusong ginawa ng Arroyo administration.
Nais sanang padaaning lahat ni P-Noy sa itinayong Truth Commission ang pagbubungkal sa mga kasamaan at kasalanan na diumanong naganap sa panahon ng pamamalakad ni GMA. Subalit, hinarang ito ng mga kalaban sa pulitika ni P-Noy dahil hindi raw tama na magbuo ng ga- nitong komisyon upang isentro lamang sa pag-iimbestiga kung nagkasala nga o hindi ang administrasyon ni GMA.
Ipinahiwatig ng mga tagapagsalita ni P-Noy na katarungan din ang habol nila kung kaya binuo ang Truth Commission at hindi upang paghigantihan si GMA. Niliwanag nila na hindi lamang ang administrasyon ni GMA ang hahabulin ng nasabing TC kundi pati na ng mga iba pang nakaraang gobyerno. Inuuna lamang daw nila ang katatapos na administrasyon at isusunod daw nila ang iba pa.
Hanggang ngayon, nakabinbin pa ang labanan ng dalawang panig kaya maraming buwan na ang lumipas ay wala pang pagkilos na nangyayari upang isagawa ang plano ni P-Noy na isailalim ang mga nagkasala ng mga nakaraang pamahalaan. Marami pa umano ang mga hahabulin ng administrasyong Aquino sa mga kalabisan ng mga nakaraang pamamahala ni GMA. Naging masyadong kaawa-awa ang naging kalagayan ng bayan dahil sa diumano’y pakikinabang ng dating presidente at kanyang mga tauhan habang nalulugi naman ang bayan.
Kahit matagal nang wala sa pagkakaupo si GMA ay naglalabasan pa rin ang mga iba’t ibang kaso ng kalabisan ng mga tauhan ng nakaraang pamahalaan. Dapat maipatupad na ni P-Noy ang paghahabol sa mga nagkasala upang maging maituwid na ang mga pagkakamali at maging malinis na ang imahen ng bansa.
- Latest
- Trending