HINDI na nakapagtataka kung bakit masyadong mahina ang lupa sa isang bayan sa Southern Leyte. Wala nang gaanong punongkahoy na nakatanim na sa mga bundok doon. Kalbo na. Dahil wala nang puno, wala nang makapitan ang lupa kaya sa kaunting pag-ulan lamang ay gumuguho na. Ganyan ang St. Bernard kung saan ang isang barangay ay binura na sa mapa nang gumuho ang bundok at inilibing ang may 1,126 na residente. Naganap ang kakilakilabot na pagguho noong Pebrero 17, 2006. Walang natira sa Bgy. Guinsaugon, sa St. Bernard makaraang mabiyak ang bundok at iluwa ang putik at mga bato. Isang eskuwelahan ang nalibing kasama ang mga estudyante at mga guro. Maging ang mga magsasaka na kasalukuyan noon na nag-aararo gamit ang kanilang kalabaw ay inilibing din. Sa isang iglap nabura ang Bgy. Guinsaugon at naging sementeryo.
Makalipas ang apat na taon ay eto na naman ang delubyo at unti-unti na namang nanalasa sa bayan uli ng St. Bernard. Sa Bgy. Balud-Balod naman nagkaroon nang grabeng pagguho ng lupa makaraan ang ilang araw na pag-ulan. Limang bata na ang namamatay nang ang kanilang bahay ay maguhuan ng lupa sa nabanggit na barangay. Ayon pa sa report, tatlong bata pa ang nawawala dahil sa grabeng pagguho ng lupa. Ang Libagon-Liloan Highway ay hindi madaanan sapagkat natakpan na ng gumuhong lupa.
Ayon sa mga geologists, ang St. Bernard ay nasa earthquake fault kaya sa kaunting galaw ay umuuga at humihina ang lupa. Kapag umulan nang matagal, maiipon ang tubig sa mga bundok at doon na magsisimulang humina hanggang sa mabiyak. Sa lakas ng puwersa ng tubig, itutulak pababa ang mga putik at bato. Masyadong malakas ang puwersa na galing sa bundok at iyon ang pumapatay sa mga residenteng nasa paanan ng bundok.
Apat na taon ang nakalipas pero tila walang leksiyon na nakuha ang mga namumuno sa Southern Leyte para maiwasan ang pagguho ng lupa. Hindi ba sila nagsasagawa ng reforestation? Wala ba silang balak na ang mga gilid ng bundok ay taniman ng mga punongkahoy upang sa darating na panahon ay mayroon nang makapitan ang lupa para hindi gumuho. Ngayon ay kinakaharap ng bansa ang La Niña kung saan ay magkakaroon ng mga pagbuhos ng ulan. Maaaring hindi lamang ang Bgy. Balud-Balod ang dumanas ng landslide kundi pati ang ilang barangay sa St. Bernard.
May leksiyon na sa pagkakabura sa mapa ng Bgy. Guinsaugon pero hindi pa yata sapat. Kailangan pa bang may mamatay muli bago gumawa ng hakbang?