Bagong Taon, higpit ng sinturon
PAGHIHIGPIT ng sinturon ang pasalubong sa atin ng taon 2011 mga suki, matapos sang-ayunan nina Chairman Nelson Laluces at Board Member Samuel Julius Garcia ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inagiw na kahilingan ng taxi drivers at operators. Kailangan lang umano mailabas ang publication sa darating na January 3 kaya walang duda na tuloy na ang pagtataas ng taxi flagdown. Siyempre magbubunyi ang mga taxi driver sa magandang balita para sa kanilang hanapbuhay dahil kahit papaano sa panahon ni President Noynoy Aquino naisakatuparan ang kanilang kahilingan.
May ilang taon din naman kasing naging urong-sulong ang nakaraang administrasyon sa isyung ito kung kaya malinaw na sa liderato ng ating bansa ang paghuhusga. Subalit aaray dito ang mga mananakay sa mga taxi cab dahil malaking kabawasan ito sa budget nila sa kanilang pamilya. Kaya sa darating na 15 ng buwan ito tiyak na papalo sa P40 ang flagdown mula sa dating P30 at karagdagang P1 mula sa P2.50 sa unang 250 meters na magiging P3.50 na sa sumunod na kilometrahe. Ngunit tutol ang mga taxi driver sa pagtaas ng taripa dahil marami ang sasakay na lamang sa mga bus at jeepney kaya hihina na ang kanilang pasada.
Kung may magagawa lamang sana itong si P-Noy na pababain ang petrolyo, mas nanaisin pa nilang manatili na lamang sa dating taripa. Subalit dahil nga sa katusuhan ng mga oil companies na kung magtaas ay abot langit at kung magbaba ng presyo ay kakarampot lamang. Kayat ang nakangisi na lamang sa ngayon at kumakamal ng malaking income ay itong mga dambuhalang oil companies. Maging ang hanay naman ng mga bus at jeepney ay humihiling din na taasan ang kanilang taripa upang makaahon din sa pagkalugi sa pamamasada.
Dahil bukod sa mahal na ang pyesa’t krudo at san- damakmak naman ang mga nangongotong sa kalsada. Kabilang na riyan ang mga taga Metro Manila Development Authority (MMDA) traffic enforcers na walang ginawa kundi ang mag-abang sa kalsada. Mas tinututukan pa nito ang konting pagkakamali o pagkalito ng mga driver kaysa isaayos ang daloy ng trapiko. Naghahabol kasi ang mga ito nang lagay at porsyento sa traffic violation receipt sa bawat masisilo, kaya ang naiiwang tulala ay ang mga kaawa-awang driver.
Maging ang toll fees sa North and South Expressway ay inaangalan din ng mga operators at drayber dahil mataas na rin. Kaya upang kumita naman ang mga ito ay magtaas na lamang sa pamasahe ang kanilang isinigaw upang kumita naman ang mga ito na may ipambili ng pagkaing maisusubo sa kanilang pamilya na kumakalam ang sikmura. Kayat ang payo ko mga suki, higpitan natin ang ating sinturon upang makaahon tayo sa kahirapan. Iwasan nating gumastos sa mga walang kabuluhang bagay, matuto na tayong magtipid sa panahong ito dahil sa tingin ko wala nang magagawa ang ating pamahalaan na ibaba pa ang presyo ng mga bilihin.
Dahil sa pagtaas ng pamasahe tiyak na tataas na rin ang lahat ng bilihin sa merkado. Subalit naniniwala ako na walang imposible sa Pinoy dahil sanay tayo sa hirap kaya kaya nating lampasan ito.
Mabuhay kayo mga suki, nawa’y salubungin natin ng Masaya ang Bagong Taon 2011 na buo at ligtas ang ating pamilya.
- Latest
- Trending
















