Pag-asa sa Bagong Taon 2011
KAMI ni Presidente Erap, kasama ng aming panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at ng buong pamilya Estrada ay bumabati ng isang Masaganang Bagong Taon sa lahat.
Tayong mga Pilipino ay sadyang masayahin at may positibong pananaw sa hinaharap. May kasabihan nga, na kahit gaano man kabigat ang mga nagiging problema natin ay nagagawa pa rin nating ngumiti at salubungin nang masaya ang bawat bagong taon na dumaraan sa buhay natin.
Kaugnay nito ay nakikiisa ang inyong lingkod sa panawagang angkupan din natin ng kaukulang pag-iingat at disiplina ang gagawin nating masayang pagsalubong sa bagong taon.
Unang-una siyempre rito ay hinggil sa mga paputok. Taun-taon ay napakarami nating mga kababayan ang nabibiktima ng paputok – may mga nasusunugan dahil dito, may mga napuputulan ng daliri, nabubulag, nalalason sa pulbura at dumaranas ng kung anu-anong kapahamakan. Ang pinakamasaklap pa nga dito ay marami ang namamatay dahil sa paputok.
Nariyan din ang usapin ng pagpapaputok ng baril ng ilan nating mga kababayan bilang bahagi raw ng kanilang pagsasaya sa okasyong ito. Pamilyar naman tayo sa mga balita na ang laging tinatamaan ng mga “ligaw na bala” ay mga inosenteng sibilyan laluna ang mga bata.
Bukod dito ay marami ring napapasobra sa pagkain laluna ng mga putaheng mataas ang taglay na cholesterol.
At siyempre, nariyan din ang pagkakasangkot ng ilan sa mga aksidente o kaya ay away dahil naman sa epekto ng alak.
Sana ay pakaalalahanin natin at pakaiwasan ang mga negatibong bagay na ito sa pagsalubong natin sa bagong taon. Nawa ay isaisip, isapuso at pangatawanan nating lahat ang positibong pananaw natin sa bagong taon bilang isang pagkakataon muli sa ating buhay upang ibayo pa nating maipursige ang pag-abot sa ating mga pangarap, para sa ating sarili, sa ating pamilya at mga mahal sa buhay, at sa ating bansa.
Isang masagana, ligtas at punong-puno ng pag-asang Bagong Taon sa ating lahat!
- Latest
- Trending














