EDITORYAL - Wala na raw pulis na magpapaputok ng baril
TUWING Bagong Taon, may mga pulis na nagpapaputok ng kanilang baril at mayroong tinatamaan ng ligaw na bala. May sinasamang palad na mamatay samantalang ang iba ay nasusugatan. Taun-taon din naman ay laging sinasabi ng Philippine National Police (PNP) na nilagyan nila ng tape o pasak ang bunganga ng baril ng mga pulis. Isa raw itong paraan para hindi makapagpaputok ng baril ang mga pulis kung Bagong Taon. Pero kahit na may tape o pasak na ang baril ng mga pulis, marami pa rin ang tinamaan ng ligaw na bala. Mayroong namatay. Kadalasan ay mga bata ang tinatamaan ng ligaw na bala. Noong Bagong Taon 2007, isang sanggol na nakahiga sa crib ang tinamaan ng ligaw na bala. Naglagos sa bubong ang bala at tumama sa sanggol. Patay ang sanggol. Isang lasing na pulis ang nagpaputok ng kanyang baril.
Mahirap matiyak kung totoo nga bang pinapa-sakan o tini-tape ang muzzles ng mga baril ng pulis. Kung nilalagyan ng tape, bakit may mga pulis na nakapagpapaputok ng kanilang baril? Hindi kaya may mga pulis na hindi nainspeksiyon ng kanilang hepe at hindi nalagyan ng “pasak” ang kanilang baril?
Noong nakaraang Bagong Taon 2010, tatlong pulis ang nagpaputok ng kanilang baril. Ayon sa PNP, inihahanda na ang dismissal proceedings ng tatlong pulis. Hindi naman sinabi ng PNP kung paano nila napatunayang nagpaputok nga ng baril ang tatlo. Siguro, dahil sa inilagay na “pasak”, Baka inalis o sinira ng mga “sira-ulong” pulis ang nakapasak sa muzzles ng baril at saka nila pinaputok. Maaaring lasing ang mga pulis kaya nagpaputok.
Ngayong Bagong Taon ay siniguro ng PNP, na walang pulis na magpapaputok ng kanilang baril. Zero raw ngayon. Sabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na ang sinumang pulis na magpapaputok ng kanilang baril sa Bagong Taon ay masisibak sa puwesto.
Nagiging madugo ang pagsalubong sa Bagong Taon dahil sa mga taong walang habas magpa-putok ng baril. Kapag nasa impluwensiya ng alak, wala nang nakikita ang mga “makakati ang daliri” kundi kalabitin ang gatilyo. Sana ay mabantayan ng PNP ang kanilang mga miyembro na mahilig magpaputok sa Bagong Taon. Nararapat sibakin sila sa puwesto.
- Latest
- Trending