NOONG Disyembre 9, pinasok ang Land Transportation Office compound ng isang grupong armado. Gustung puwersahang kontrolin ang Stradcom building ngunit walang court order. Napanood ko ito sa isang news sa telebisyon. Sapol sa CCTV camera!
Noong Huwebes, pormal nang nagharap ng kasong administratibo ang pamunuan ng Stradcom at hinihingi ang pagsibak kay LTO Chief Virginia Torres at isa pang kasama niya na tila kumunsinti pa sa pagsalakay ng grupo.
Sa kuha ng CCTV camera, nagkaroon ng impression ang manonood na ang LTO Chief ay kasama sa illegal takeover. Nagkadaupang palad na kami ni Assec. Torres noong siya’y kauupo pa lang sa LTO at first impression ko sa kanya’y mabuting tao. Ano po ba ang tunay na nangyari?
Sabi ng iba, dapat isailalim ni DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus si Assec Torres kasama ang chief executive assistant niyang si Menelia Mortel. Palaisipan daw na makapasok ang ganitong grupo sa pangunguna nina Aderito Yujuico at Bonifacio Sumbilla, at wala umanong aksyon si Assec.
Sabi nga ng barbero kong si Mang Gustin, bakit si DOTC Secretary De Jesus pa ang nagpalayas sa grupo nina Yujuico at Bonifacio matapos mabuking na walang court order ang mga ito? Noon pang Dec. 2 ay nagtangka na sa unang pagkakataon sina Yujuico at Sumbilla na i-takover ang Stradcom.
At bakit daw matapos ang illegal na takeover ng Stradcom, para bang hinihintay pa ni Assec. Torres at Mortel sina Yujuico at Sumbilla sa lobby ng Stradcom bago sabay-sabay na pumasok sa gusali, kasama ng abogado ng grupong puwersahang pumasok.
Tiyak ko na kahit si Pangulong Noynoy Aquino na kasama ni Assec Torres sa target practice ay napapakamot ng ulo sa pangyayari. Kakatwa kasi na may ganitong mga pangyayari sa loob mismo ng ahensya ng pamahalaan.
Dagdag ni Mang Gustin – wala namang martial law pero bakit may ganitong pangyayari?