Tunay na tigil-putukan
IBA rin ang kapangyarihan ng Pasko. Handa nang magkasundo ang mga panig ng gobyerno at ng NDF sa isang tigil-putukan, na magtatagal ng 18 araw. Ito na raw ang pinaka-mahabang tigil-putukan sa kasaysayan ng dalawang magkatunggali sa loob ng 10 taon. Dati ay mga limang araw lamang, at tinataon sa bisperas ng Pasko at Bagong Taon lamang.
Ganun ang kapangyarihan ng Pasko. Ilang beses na rin naganap ang similar na sitwasyon kung saan tumitigil na muna ang digmaan, para magbigay-daan sa Pasko. May isang palabas, na hango rin sa tunay na buhay, kung saan dalawang grupo ng magkaaway na sundalo – mga Amerikano at German noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig – ang nagsama sa isang mun-ting tahanan para palipasin ang makapal na pagbagsak ng niyebe, at gunitain ang Pasko. Nang matapos ang “tahimik na gabi” na iyon, naghiwalay sila, para magkita muli sa digmaan.
Parang kalokohan, di ba? Puwede naman palang magkaroon ng pansamantalang kapayapaan, bakit hindi na lang gawing pang matagalan? Nakatulong sigurado na pareho namang mga Kristiyano ang dalawang grupo, kaya kung para sa Pasko lang ay nagbigay daan para sa kapayapaan. Pero kaya nga kung sa kaya, katulad ng tigil-putukan sa panig ng mga Komunistang rebelde, na wala namang relihiyon, at mga sundalo at gobyerno na karamihan ay Kristiyano. Naiisip ko lang ang sinasabi ng mga apektado ng mga digmaan na iyan, na sana ay buong taon na lang ang Pasko!
Pero mahirap din magpatupad ng tigil-putukan. Unahan ang turuan kapag may lumabag mula sa kahit saang panig. Kapag nag-umpisa na ang putukan, mahirap pigilin. Kaya mabuti nang mag-uwian na muna sa mga kani-kanilang pamilya habang pinatutupad ang tigil-putukan, para wala talagang insidente. Wala na munang mga patrol-patrol para walang mga enkwentrong hindi inaasahan. At respetuhin talaga ang ceasefire. Huwag gawing pagkakataon para makaipon ng mga armas at teritoryo, kundi mitsa na naman ng pagbibintang sa paglabag sa ceasefire. Sa madaling salita, tunay na ipagdiwang ang Pasko. Kung hindi dahil sa pagsilang ni HesuKristo, para na lang sa kapayapaan. Marami namang oras para mag-away muli, di ba?
- Latest
- Trending