DATI asiwa si Pope Benedict XVI sa condom. Ngayon sinasabi niya okay pala ang prophylactic. Pero teka, hindi niya tinutukoy ang paggamit nito ng mga nag-iibigang mag-asawa sa pagplano ng pagbubuntis, dami ng anak, at kalusugan ng pamilya. Pinapayagan niya ito katangi-tangi lang sa male prostitutes na, baka sakali, umiiwas sa pagkalat ng salot na AIDS.
Lituhin kaya ng salita ng Papa, sa librong Light of the World, ang mga Katoliko? Sa ngayon, tila lito sa sex ang mga pinuno ng Vatican. Sa isang dako, inulit ni Benedict ang Humanae Vitae, 1968 encyclical ni Pope Paul VI laban sa mayoryang theologians na payag sa contraception sa mag-asawa. Aniya ang labis na tuon sa condom ay nagpapababa sa sex, hindi na bilang pagsaad ng pagmamahal kundi tila drogang iniiniksiyon ng tao sa sarili. Pero sa kabilang dako, payag siya sa pagko-condom ng male prostitutes na nagbabawas ng risk ng impeksiyon, unang hakbang umano sa bago at makatao na paraan ng mapagmahal na pagtatalik.
Maaring namamalikmata tayo. Pero sa pagpayag na mag-condom ang barako, hindi kaya binabale-wala ni Benedict ang bayaran na pang-aapid — kaya dobleng makasalanang — mababang sex? Pero binabawal niya ito sa mga babaeng nagbebenta ng laman. Lalo pang mahigpit sa mga nag-iibigang pares, miski isa sa partners ay HIV-positive.
Pagka-balik-harap naman ang pagsasaya ng reproductive-health activists sa pagbaliktad ni Benedict. Simula’t sapol, pinag-uusapan ang contraceptives bilang alternatibo sa mga mag-asawang kasal sa simbahan o sa common law. Pero sa kagalakan ng RH advocates sa bagong salita ni Benedict, lumalabas na isinusulong pala nila noon pa’y safe prosti-tution, hindi safe na pagtatalik ng nagmamahalan at responsableng pares.
Ano’t ano man, pinatunayan ng pahayag ni Benedict na hindi batas-Katoli- ko ang Humanae Vitae. Inaako aniya ang personal na pananagutan sa mga salitang kontra kay Paul VI.
Lumalabas na personal na kuro-kuro din pala ang sa naunang Papa.