Holiday blackmail
ANUMANG organisadong aksyon na hayagang tumutu- tol sa regulasyon ng pamahalaan ay kasama sa sagradong karapatan na sinisiguro sa atin ng Saligang Batas. Sa Ingles ay Freedom of Assembly and to Petition Government for Redress of Grievances. Sorry na lamang at medyo li-mitado ang aplikasyon ng prinsipyong ito sa larangan ng public transportation.
Kung may namumuong aksyon sa alinmang sektor ng lipunan, maging pag-aklas o anumang ibang uri ng organisadong pagkilos, maiiwasan ang kawalan ng pag-unawa at magiging itong mas katanggap-tanggap kapag intindihin lamang na bahagi ito ng mga garantiya ng isang demokratiko at malayang pamahalaan,. Ang naganap na bus “Holiday” nung Lunes at, bago dito, yung mga biglaang pag-resign ng mga piloto ng Philippine Airlines at pag-aklas ng mga empleyado, ay mga pagkilos na hindi aani ng simpatya.
Kapag ang kumikilos na samahan ay hindi karaniwang sektor, bagkus ay mga grupo na ang linya ay sa paglingkod sa publiko, kakaiba ang patakaran dahil may direktang epekto sa lipunan ang kanilang mga desisyon. Tulad na lang ng perwisyo sa mga namamasaheng namamasukan at sa mga mag-aaral nung Lunes. Kitang-kita kung paanong ang padalus-dalos na hindi pagpasok ng mga bus driver bilang protesta sa number coding scheme ay nagresulta sa milyun-milyong kawalan sa negosyo para sa mga hindi nakapasok.
Tama lang na patawan ng kaukulang parusa ang mga mapapatunayang hindi tumupad sa mga kondisyon ng kanilang prankisa bilang public transportation company. Ang prankisa ay kontrata. Hindi lahat ng nais magnegosyo bilang bus company ay maaring pagbigyan. Kapag nag-apply ka nito at ika’y nakapasa, nangangahulugang handa kang pangatawanan ang katungkulan mong magbigay ng serbisyo. Pruweba ito na ang pamahalaan ay tiwala sa iyong kakayanang maghandog ng maayos na paglilingkod sa namamasaheng publiko.
Kung may lehitimong reklamo ang mga kompanya laban sa regulasyong ipatutupad, maraming paraan upang ipaabot ang pagtutol sa paraang hindi lalabag sa mga katungkulan ng may hawak ng prankisa.
Kailanman ay hindi magandang tingnan ang blackmail o extortion tac-tics – lalo na kapag ang publiko mismo ang nabibiktima.
- Latest
- Trending