Parkinson's disease
NAGKAKANDARAPA ngayon ang kampo ni Antonio Margarito sa paghingi ng tawad at paumanhin para sa mga pagpuna at pagtukso nila sa kapansanan ni Freddie Roach, na may Parkinson’s disease. May video sa internet kung saan kumikilos na tila nangingisay, nanginginig si Margarito. Isa pang boksingero ay nagsalita nang pautal at malikot ang ulo, sabay tawanan at banggit sa pangalan ni Roach. Siyempre, marami ang nakapanood dahil internet, at marami ang nagkondena sa kanilang pagbibiro at pagtutukso sa isang may kapansanan. Kanya-kanya silang paliwanag ngayon, pagtanggi pa nga na si Roach ang pinatatamaan.
Hindi nga naman maganda, masama pa nga, ang tumukso ng isang may kapansanan. Kahit saang kultura pa mangyari. Ang Parkinson’s disease ay isang kondisyon sa utak kung saan apektado ang pagkilos ng buong katawan. Kapag malala ang kondisyon, pati paglakad at pagsasalita ay apektado. Kung ginagamot, may pagbawas sa mga sintomas, pero hindi lubusang gumagaling. Maganda pa nga ang kondisyon ni Roach dahil nakakatulong pa nga siya sa training ni Manny Pacquiao. Mga ibang sikat na tao na may Parkinson’s ay sina Muhammad Ali at Michael J. Fox. Lahat sila aktibo ngayon sa pagbigay pansin sa Parkinson’s disease. Nakita naman ninyo kung paano kumilos si Ali ngayon. Hirap na hirap. Si Fox naman ay madalas gumagalaw-galaw ang ulo habang nagsasalita. Si Ali at si Roach ay nakuha ang kapansanan dahil sa boksing. Mga malalakas na tama sa ulo ang dahilan. Kung ako si Margarito, mag-iingat siya at baka magaya rin siya sa mga tinutukso niya!
Alam mong kabado na ang kalaban kapag personal na ang atake sa iyo. Mga atake na wala namang kinalaman sa pinaglalabanan ninyo. Maging sa pulitika, maging sa boksing. Ang ginawa nina Margarito, kahit ano pang paliwanag nila, ay pinakita lang ang kanilang kaba sa laban sa Linggo. Pinakita rin na wala silang “class”. May pera nga sila, pero walang modo naman. Hindi na pinatulan ni Roach ang mga patama nila Margarito ukol sa kanyang kapansanan. Baka hahayaan na lang niya si Manny na magsalita para sa kanya sa laban. Sana nga ay manalo si Manny sa Linggo, at hindi dahil sa puntos, kundi dahil sa isang matinding knockout! Para makita natin kung sino ang mangingisay!
- Latest
- Trending