KASALUKUYANG nasa Japan ang Pangulong Benigno Aquino III at ang kanyang 51-kataong delegasyon para daluhan ang Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) meeting sa Yokohama.
Nang magsagawa ng state visit sa Vietnam ang Pa-ngulo kamakailan, ang gastusin sa 5-araw na pagdalaw kasama ang 50-kataong delegasyon ay P12 milyon. Ngayon, sinabi ng tanggapan ng Executive Secretary na ang budget sa APEC trip ay P16.34 milyon.
Sa ordinaryong tao ay mukhang malaki ang halaga pero hindi. Patuka ito sa manok kumpara sa mga foreign visits ng ibang nagdaang administrasyon. May mga foreign trips nga na sa isang kainan ay gumastos ng P 1milyon.
Kung puwede nga lang mag-close door policy ang pamahalaan at huwag nang makipag-ugnay sa ibang bansa! Pero hindi puwede iyan. Ang mga bansa ay may pakikipag-ugnay at pagtutulungan sa isa’t isa at kailangan ang mga palitang-dalaw ng mga pinuno para sa ikauunlad ng kani-kanilang bansa.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. ang halaga ay para sa gastusin sa akomodasyon, transportasyon, pagkain, at pasahe sa eroplano ng Pangulo at ibang kasamahan.
Austerity is the name of the game. Sana, sa lahat ng aspeto ng pamamahala ay magpatupad ng programa sa pagtitipid. Wika nga, institutionalized austerity measures. Noong panahon ni President Carlos Garcia back in 1957, may slogan siya: “Austerity today, prosperity tomorrow.”
Anang Executive Secretary, ipinatutupad din ang paghihigpit ng sinturon sa iba pang tauhan ng gobyerno na nagnanais na magbiyahe sa ibang bansa.
Sana nga’y iwaksi na ang nakagihasnang “jun-ket trips” o mga paglalakbay na puro pasarap lang. I’m sure ang halimbawang ipinakikita ng Palasyo ay susundan ng ibang sangay ng gobyerno.