P-Noy, pumalag sa USA
TUNAY bang kaalyado ng Pinas ang Amerika? Ito ang tanong na naglulumaro sa isip ng barbero kong si Mang Gustin.
Maging si Presidente Benigno Aquino III ay binatikos ang Estados Unidos sa pagkuwestyon nito sa plano ng pamahalaan na repasuhin ang Visiting Forces Agreement (VFA) pero hindi agad inabisuhan ang Pilipinas hinggil sa nahalukay nitong “terrorist threat” sa bansa.
Antimano, naglabas na lang ang US of A ng travel advisory para balaan ang mga mamamayan nito laban sa pagtungo sa Pilipinas dahil sa umano’y banta nang terorismo.
Tanong ni P-Noy, bakit hindi nag-share ang Amerika ng intelligence information nito na ibinahagi naman sa ibang malalapit na kaalyado? Tuloy, parang binoykot ng mga kanluraning bansa ang Pilipinas bilang tourist destination. Malaking setback iyan sa ekonomiya natin dahil ang turismo ang isang pangunahing pinagmumulan ng kita ng pamahalaan.
Halatang-halata na ayaw patinag ng Amerika ang VFA upang ang lahat ng mabubuting pabor ay nasa kanilang panig.
Ayon sa Pangulo, nagkaroon ng palitang komunikasyon ang Pilipinas at Amerika pero pulos nauukol sa VFA ang tinatalakay at wala ni bahagyang pahiwatig ng nagbabantang terorismo.
Gusto kong unawain ang pagsusungit ng Amerika. Ganyan lang siguro ang asal nito dahil sa tumitinding economic crisis sa naturang bansa. Patuloy na bumabagsak ang halaga ng dolyar at nakikita natin iyan sa paglakas ng ating piso. Kung tutuusin, hindi naman talaga lumalakas ang halaga ng piso kundi nababawasan lang talaga ang value ng dolyar at maraming foreign currency ang tumataas.
Tama’ng nanindigan si Presidente Aquino sa pagrepaso ng VFA. May karapatan naman tayo na magkaroon ng isang kasunduang hindi tayo agrabiyado.
Ang hirap sa Amerika, dinadaan sa laki.
- Latest
- Trending