'Kursunada(?)' (Unang bahagi)
MASARAP daw magmahal ang seloso. Para sa iba lason ito. Ang taong seloso walang tiwala. Ang selosan kadalasan humahantong sa malaking gulo.
Niyakap niya ito ng mahigpit. Hinubad naman ng lalake ang t-shirt para makawala sa tindi ng pakakahawak ng babae. Tumakbo siyang hubad palayo. Ang tanging naiwan sa kanyang kamay ay ang t-shirt ng boyfriend.
Ganyan umano inawat ni ‘Melay’ si ‘Mark’ sa gitna kaguluhan. Inakala niya umanong makikipagbuno ito subalit iba umano ang nangyari. Hindi kapanipaniwalang tagpo kung titignan subalit yan ay batay sa ikinwento sa amin.
“Halika dito... Tama na!” sabi ni Melay.
Sagot ni Mark, “Hayaan mo ko... Pakawalan mo ko!”.
Nagsadya sa amin ang mag-asawang Adelaida at Carmelito “Lito” Garcia. Mula sila sa General Mariano Alvarez (GMA), Cavite. Hinihingi nila ng tulong ang pagkakakulong ng 18 anyos na anak matapos masangkot sa isang gulo. Siya si Mark Lito mas kilala sa tawag na “Mark”.
Labing limang taon ng nakarita sa GMA ang pamilya Garcia. Anim ang kanilang anak. Kayod kalabaw ang mag-asawa mabuhay lang ang mga ito. Si Mark pinilit nilang mapag-aral ng Vocational Course sa Imus, Cavite.
Kasambahay si Adelaida o “Laida” sa Silang, Cavite. Kasama niya dito si Lito, ‘Helper’ sa katabing pagawaan ng ‘refrigerator’ ng kanyang amo. Stay-out si Laida, kapag natapos na niya ang gawaing bahay pwede na siyang umuwi.
Oktubre 6, 2010 bandang 8:30, kararating lang ng mag-asawa sa bahay ng gulatin ng malalakas na katok. Pagbukas ng pinto nakita nila ang isang babae. “Nandiyan na po ba si Mark?” tanong nito.
Sinabi ni Aida na wala pa roon ang anak. Tinanong niya kung bakit niya hinahanap si Mark. Sagot sa kanya, “Nakursunadahan po kami. Hinila po kami ng nanay ni Mark,”.
“Huh anong nanay ni Mark? Ako ang nanay niya. Sinong Mark ba ang tinutukoy mo? Sino ka ba?” pagtataka ni Aida.
Nalaman ni Aida na girlfriend na pala ng anak ang kanyang kausap, si ‘Melay’ (di tunay na pangalan) 16 na taong gulang.
Dumating ang sampung tanod ng Brgy. Poblacion Dos, hinahanap si Mark. Nakita raw nilang nag-oover the bakod ito sa pader papunta sa kanilang bahay. Gulong-gulo ang mag-asawa sa nangyayari. Hindi na napigilan ng ama magtanong, “Anu ho ba ang problema? Bakit niyo ba hinahap ang anak ko?”
“P*75n6 i#@ mo! Kunsintidor ka!” sagot umano ng tanod na si ‘Oddie’.
Pinapasok niya ang tanod para ipamukhang hindi niya kinunsinti ang anak, talagang wala ito roon. Muling tinanong ni Aida ang mga ito, “Anu bang nangyari? Para namang kriminal ang anak ko sa dami ninyo!”.
Ayon sa isang tanod, malaki umano ang atraso ni Mark. Hinabol daw niya ng asero at sinuntok ang Sangguniang Kabataan (SK) nilang si Krystal Ramos.
Hinalughog ng mga tanod ang loob ng bahay. Wala dun si Mark. Mabilis silang umalis. Naiwan sa bahay ang mag-asawa at si Melay.
Makalipas ang isang oras, umuwi si Mark kasama ang ina ng kaibigang si Roselyn Caballero. Pagpasok pa lang nito sa pinto pinagalitan na siya ng ina, “Nandito kanina ang mga tanod. Nanghabol ka raw ng panaksak! Totoo ba?”
Kwento ni Mark galing sila sa bahay ng anak ni Rosalyn na ‘Mark’ din ang pangalan. Tinanggi niyang nanghabol siya ng asero. Sila umano ang hinarang ni Krystal at lima pang kalalakihan.
Ang mga sumusunod ay ang pahayag ni Aida sa amin. Ang kwento ni Mark sa ina sa umano’y nangyari nung gabing iyon.
Nagkaroon ng pagtatalo sina Melay at Mark habang nasa bahay ng kaibigan. Nag-’walk out’ si Melay, sinundan siya ni Mark. “Sorry na... bati na tayo,”.
Nagkaayos ang dalawa. Bumalik si Mark sa loob para kunin ang baterya ng cell phone na noo’y naka-’charge’. Naiwan naman sa labas si Melay.
Nakasalubong ni Melay si Krystal kasama ang 17 anyos na si ‘Bryan’ (di tunay na pangalan) at apat pang mga lalaki. Dahil magkakatropa nginitian niya ang mga ito. Nagulat siya ng sabihin umano ni Krystal na, “Bubugbugin ko yang boyfriend mo!”. “Naku, huwag naman!” wika ni Melay.
Paglabas ni Mark, sinumbong sa kanya ni Melay ang nangyari. Biglang sumigaw ang SK na para naghahamon, “Pare! Halika dito! Lumapit ka...”.
Lalapit itong si Mark. Niyakap siya ni Melay at inawat. Inisip niyang baka patulan ni Mark ang mga ito. Pumunta siya kina Krystal. Sabay takbo palayo.
“Inisip ng anak ko tumakas. Lima ang kalaban niya, mga nakainom. Tumakbo siya dahil baka makorner pa siya’t pagtulungan,” kwento ni Aida.
Hinawi ni Mark ang mga ito. Naswak si Krystal sa kanal. Lalong nagalit ang mga magkakaibigan, Sinundan nila si Mark. Ang ginawa ni Roselyn hinatak ang ito papasok sa kanyang bahay kung saan siya ligtas.
Nagduda si Aida kung bakit ganun kung umasta si Krystal sa anak. Sinabi naman ni Melay na may gusto raw sa kanya itong SK. Tibo umano ito.
“Mismong kapit bahay ang nagsasabing matagal ng kursunada ni Krystal si Melay. Kaya pala galit na galit siya kay Mark,” sabi ni Aida.
Dahil SK at may pwesto sa barangay ang nakabangga inihanda na nila ang sariling baka ipatawag sila. Isang araw ang nagdaan walang summon na dumating.
Pumasok na sa trabaho ang mag-asawa. Inakala nilang maayos na ang gulo. Bandang 6:00 ng gabi nakatanggap si Aida ng tawag galing kay Melay,
“Ma... si Mark nakakulong! Umuwi na kayo!”.
Nagmadaling umuwi ang mag-asawa. Pumunta sila sa Philippine National Police, GMA Nanlumo itong si Aida ng makitang nasa likod ng rehas si Mark.
ABANGAN ang karugtong ng seryeng ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
SA gustong dumulog ang aming numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang PLDT 24/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
EMAIL: [email protected]
- Latest
- Trending