Mga kawatan dapat pahiyain
MAY dalawang video na kumakalat sa YouTube. Pinamagatang “The Realities of Philippine Maritime Industries,” isinisiwalat ang overloading ng pasahero sa isang barko. Nangakahiga sa corridor at mess hall ang mga pasahero dahil wala nang bakanteng dorm. Bawal ang overloading dahil, kung may sakuna, kukulangin ang crew, lifeboats at lifejackets para iligtas ang mga pasahero. Hindi dapat pinalayag ang barko, na makikita ang logo sa video. Nagkasala rito hindi lang ang kumpanya kundi pati Coast Guard. Ayon sa ulat, bumiyahe ang barko nu’ng Mayo 4-5, 2010, mula Iloilo patungong Cagayan de Oro.
Kuha umano sa cell phone ang unang video, at sa videocam ang ikalawa. Mainam na sandata ang mga modernong kagamitan para ilantad ang katiwalian. Ngunit may kulang sa dalawang video na in-upload sa Internet. Sana kinunan din ng video ang headquarters ng Coast Guard sa Iloilo, at ang hepe doon. Kumbaga, sinagad sana ang paglalantad; hiniya sana ang opisyal na malamang ay nasuhulan ng kumpanya ng barko.
Ito’y hindi lang para ibulgar ang kamalian ng opisyal, kundi para parusahan agad. Isa sa pinaka-mabisang parusa ang paglantad ng ngalan at retrato ng salarin. Mabibisto siya ng lipunan at kasamahan, mga kaibigan at kapitbahay, at higit sa lahat ng pamilya. Ikahihiya nila siya. Kung may konting dangal pa siyang natitira, magbabagumbuhay siya. At matatakot ang mga katulad niya na magkasala rin; magpapakatino sila.
Ganundin sa pag-expose ng mga pulis at traffic aides na nangingikil sa mga tsuper. Hindi lang dapat mga kamay na nag-aabutan ng pera ang kinukunan, kundi mga mukha at nameplates ng mga kawatan.
At upang magsilbing babala sa lahat, i-video na rin ang pook, pati street names, kung saan sila nambibiktima.
Magagamit din ang pag-video sa pagsawata sa jueteng. Kunan ang kubrador ng taya habang nag-iikot sa komunidad, at samahan ng audio. Kunan din ang rebisador, at kung kaya, pati ang pagbola at pook.
- Latest
- Trending