EDITORYAL - Pati radar ay pinakikialaman
MAY mga ganid na congressmen na nakikialam sa procurement ng P500-million radar equipment kaya natatagalan ang deal sa pagbili ng mga ito. Imagine, 2006 pa sinimulan ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bidding process para sa limang Doppler radars at hanggang ngayon, wala pang nangyayari. Kaya kahit na anong gawin ng mga weather forecasters para makapaghatid ng tamang lagay ng panahon, hindi accurate sapagkat kulang sila sa modernong gamit. Nang manalasa ang bagyong “Basyang” noong Hulyo, nagkamali ng taya ang PAGASA kaya nagalit si President Noynoy Aquino at sinibak ang forecaster na si Prisco Nilo.
Kung hindi nakialam ang mga ganid na congressmen, tiyak na may bagong radar na ang PAGASA at maayos na naihahatid ang tamang tinatahak ng bagyo at ganundin kung gaano kalakas ang buhos ng ulan. Tiyak din na maraming maililigtas na buhay sapagkat mabibigyan ng babala ang mga tao.
Hindi binanggit ang pangalan ng dalawang cong-ressmen na nakikialam sa bidding process pero sinabi ni Camarines Sur Rep. Rolando Andaya Jr. na ang dalawa ay may kanya-kanyang pinapaborang contractor. Ganito rin naman ang sinabi ni Agham Partylist Rep. Angelo Palmones. Ayon kay Palmones, ang isang congressman ay itinutulak ang American supplier para makopo ang kontrata sa pagbili ng Doppler radar. Ang isa naman ay Chinese contractor. Sinabi naman ni Andaya na alam niya ang kuwento sa likod ng pag-procure sa Doppler radar sapagkat siya ang Budget secretary ng mga panahong iyon. Si Palmones naman ay part ng non-governmental organization na tumutulong sa PAGASA para sa modernisasyon ng kanilang equipment.
Sana ay ilantad nina Andaya at Palmones ang pangalan ng dalawang ganid na congressmen para malaman ng taumbayan. Sila ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi makapagbigay ng tamang lagay ng panahon ang PAGASA. Tiyak na mayroong mapapakinabang na komisyon ang dalawang congressmen kaya ganoon na lamang ang kanilang pagpupumilit na maipasok ang kani-kanilang supplier at contractor.
Kung mayroon nang Doppler radar, nagamit na sana ang mga ito sa pag-tract ng tinatakbo ng bagyong si “Juan” at ganap na nabigyan ng babala ang mamamayan. Maraming nasira si “Juan” at nag-iwan ng 12 patay.
Ang naudlot na bidding para sa mga Doppler radar ay nararapat namang ituloy at nang may magamit ang PAGASA. Huwag nang hayaang makialam ang mga ganid na congressmen.
- Latest
- Trending