Malakas maghilik si Mister
Dr. Elicaño, magandang araw po sa iyo. Matagal na akong tagasubaybay ng iyong column dahil kapaki-pakinabang ang iyong payo. Tanong ko lang po ang tungkol sa paghihilik ng mister ko. Siya po ay 50-anyos na. May katabaan, naninigarilyo at paminsan-minsan ay umiinom. Kung minsan ay napupuyat na ako dahil sa paghihilik niya. Kaya sa umaga ay inaantok ako habang nasa opisina. Ako ay bank teller sa isang ma-laking banko. Ang mister ko naman ay pulis. Minsan po gusto ko nang lumipat ng higaan para hindi mapuyat sa kahihilik ng mister ko kaya lang ay baka siya magtampo. Mabait pa naman siya. —CATHERINE M. ng Pasong Tirad, Makati City
Salamat sa pagsubaybay mo sa aking column. Subukan mo itong mga tip na ito at baka makatulong sa iyong mister. Talagang marami ang namumroblema kapag naghihilik ang katabi.
Sabihin mo sa iyong mister na matulog nang nakatagilid. Para masanay na nakatagilid sa pagtulog si Mister, lagyan mo ng tennis ball ang likod ng kanyang pajama. Ilagay mo sa medyas ang tennis ball at itahi sa likod ng pajama.
Sabihin mo sa iyong mister na iwasang mag-unan nang makapal sapagkat nababaluktot ang leeg. Nahaharangan ang daanan ng hangin kaya naghihilik.
Sabihin mo sa iyong mister na huwag manigarilyo. Pinamamaga ng paninigarilyo ang tissues sa lalamunan. Sinisira ng nicotine ang sleep pattern.
Sabihin mong huwag iinom ng alcohol kapag matutulog. Pinarerelax nito ang muscles ng lalamunan kaya lumalakas ang paghihilik.
Sabihin mo sa iyong mister na magbawas ng timbang. Ang extrang bigat lalo na sa bahaging leeg ay nagbibigay ng pressure sa lalamunan at pinakikitid ang daanan ng hangin.
- Latest
- Trending