GRABE ang impluwensiya ng mga maintainer ng shabu tiangge sa Isla Puting Bato sa Tondo, sa mga pulis. Walang nahuling big time pusher ang mga pulis sa pangunguna ni Supt. Ferdinand Quirante nang salakayin ang mga kubol at lungga na pinagdadausan ng pot-session. Nakapuga na ang mga salot nang dumating ang may 200 pulis mula sa Tondo Police Station 2 at Manila Police District HQ. Ang hinala, may naghudas sa raid. Small time ang mga nalambat habang ang mga big time ay nakangisi lang. Bukas, makalawa balik uli sila sa illegal na negosyo.
Supt. Quirante, kung patuloy pa ring nakakikilos sa presinto mo o sa MPD headquarters ang mga hudas, tiyak na walang mangyayari sa iyong pakay na masugpo ang adiksyon sa iyong nasasakupan. Sayang lang ang pagod sa pagsalakay dahil nagmukhang moro-moro lamang iyong pinakitang pagkilos at pagpapapogi habang kinukunan ng camera. Kung sabagay napilitan lamang sumalakay sina Quirante nang personal na lapitan ng ilang kasamahan sa media para masawata ang bentahan ng droga sa naturang lugar.
Sayang at may naghudas kaya palpak ang pagsusumikap ng media na matulungan ang mga taga-Isla Puting Bato sa pagkagumon sa droga. Calling MPD Officer-in-Charge Chief Supt. Robert Rongavilla, paimbestigahan ito dahil sa sumbong na nakarating sa akin na ilang pulis sa MPD ang nakikitang pumapasada sa naturang lugar at ilan sa mga ito ay kakilala ng shabu tiangge maintaneers.
Magandang pagkakataon na para mapalapit ka sa puso ni Manila Mayor Alfredo Lim dahil galit ito sa drug pushers at users na naglipana sa kanyang teritoryo. Oras na madale mo ang mga pulis na kakutsaba ng mga salot sa tiyak na habang panahon ka nang mananatili sa puwesto. Ngayon pa lang pakilusin mo na ang mga tauhan mong may bayag at mapagkatiwalaan para manmanan ang kapwa nila pulis na sumisira sa imahe ng Manila’s Finest.
Huwag ninyong tatantanan sa pagsalakay ang Isla Puting Bato dahil malingat lamang kayo balik na naman sila sa dating gawi. At habang walang puknat na pananalakay ang isinasagawa ninyo sa Isla Puting Bato palawakin n’yo ito sa mga lugar ng Herbosa, Tondo na tinataguriang “airport” na sakop ng PS7 dahil dito umano nanggagaling ang mga droga. Maging sa Estrada at Dagonoy ay talamak din ang bentahan ng shabu.
Abangan!