Paano kakasuhan ang katiwalian?
SA Lunes na ihahayag ni Presidente Aquino ang pinal na resulta ng pagsisiyasat sa Manila Hostage crisis. Pero ayon sa isang “leak” na nasagap ng mga mamamahayag, ang kakasuhan ng mabigat ay sina Manila Mayor Alfredo Lim at dating Manila Police District Chief Rodolfo Magtibay. Naisulat na natin ito sa nakalipas na kolum. Absuelto raw sina DILG Usec. Rico Puno at retired PNP Chief Jesus Verzosa.
Mabuti pa rin na hintayin ang ulat ni P-Noy kaugnay nito bago tayo magkomento. May mga nagsasabi na kung may dapat sisihin sa pangyayari, ito ay ang umiiral na katiwalian sa sistema. Nais papanagutin ni Pangulong Noynoy Aquino ang lahat ng nagkasala. Pero nadudurog ang puso niya sa tuwing babalikan ang report ng Incident Investigation and Review Committee (IIRC) na pinamumunuan ni Justice Secretary Leila De Lima.
Palagi raw binabalik-balikan ng Pangulo ang testimonya ni PO3 Edwin Simacon, isa sa miyembro ng Manila Police District-Special Weapons and Tactics (MPD-SWAT). Ayon kay Simacon: “Kulang po kami sa equipment. Sa akin lang po, kung may explosive device na nagamit sana sa pag-break ng salamin, baka po mas may nangyari.
Yung daw mga gamit nila ay nagmula pa sa panahon ng Vietnam war! Binasa rin ng Pangulo ang salaysay ng isang pulis-Maynila na si PO2 Francis Ungco: “Iyong sinusuot po naming vest, hindi na po kami sure kung bullet-proof pa ‘yun. Dapat po hindi nababasa ‘yun (vests). Fiber lang po kasi siya. May expiration date din po kasi ang bullet-proof vests.”
Nasaan ang sinasabing modernization program ng Philippine National Police (PNP)? Dapat magpaliwanag ang nagdaang administrasyon kung saan napunta ang multi-bilyong pisong inilaan noon para sa pagpapalakas sa puwersa ng pambansang pulisya. Kaawa-awa ang mga madidiin sa kasong ito. Ang dapat talagang asuntuhin ay ang katiwalian.
- Latest
- Trending