Austerity sa gobyerno

Determindo ang Aquino administration na magtipid. Ito’y sa kabila ng napakaraming programa ng gobyerno na dapat pagbuhusan ng malaking pondo. Nangunguna na marahil ang mga palatuntunan para mabawasan ang pinsala ng mga nakaambang kalamidad sa bansa. Tila di yata mabuti ang ganyang paghihigpit ng sinturon. Paanong bibilis ang pagsusulong ng reporma. Siguradong pag mabagal ang usad ng mga programa ni P-Noy, katakutakot na batikos ang ipupukol sa kanya.

Pero walang choice ang adminstrasyon kundi magtipid. Malaki ang kakulangan ng bansa sa pananalapi. Pati nga ang nakaraang biyahe sa US ni President Noy ay tipid na tipid. Bukod sa pamamalagi sa ordinaryong hotel ay napabalita pang kumain sa hotdog stand ang Pangulo. Sabi ng iba “PR gimmick” daw. Tingin ko’y hindi. Kaso hindi maiiwasang makaagaw ng pansin ng media ang ganitong walang pagtitipid na obligadong gawin.

Ang isa pang belt tightening measure ng administras- yon ngayon ay ang pagtapyas sa sariling budget sa tanggapan ng Pangulo. Kung tutuusin, dapat sana’y mas malaking budget ang hihingin ng administrasyon sa Kongreso dahil bumuo ito ng Truth Commission at Presidential Communications Development and Strategic Planning Office. Ayon kay Executive Secretary Ochoa, 4.3 percent ang tinapyas sa budget ng executive department o kabuuang P4.75 bilyon lang. Sa ganyan kaliit na pondo, pihong uusad pagong ang mga programa ng pamahalaan.

Nasa P4.075 bilyon lang ang hihinging pondo ng Executive Department o 4.3 porsiyentong pagbaba mula sa dating pondo ng nakaraang administrasyon bilang pagsunod sa pagtitipid na ibinabandila ni Pangulong Aquino, ani Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. sa pagdinig ng Senado kaugnay ng pondo noong Huwebes.

Kaya nagtataka ako sa attitude ng ating bise Presidenteng si Jojo Binay. Nagrereklamo ngayon pa lang dahil maliit daw ang budget. Sa ganitong kondisyon ng bansa, dapat magtulungan at magsakripisyo ang bawat isa.

Show comments