Bunker oil smuggling

NAGULANTANG ang sindikato ng bunker oil smuggling nang arestuhin ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang apat nilang miyembro, kabilang ang boat captain ng isang barge. Ang buong akala ng sindikato, hindi na sila huhulihin dahil areglado naman sila sa mga operating unit ng Philippine National Police (PNP) at iba pang ahensiya ng gobyerno. Kung sabagay, nasanay na kasi ang sindikato na hindi sila ginagalaw ng nakaraang administration dahil sa sobrang lakas nila noon sa isang prominenteng gentleman. May nakapagsabi naman na Oplan Pagpakilala lamang itong ginawa ng mga tauhan ni NCRPO chief Dir. Leocadio Santiago at huwag silang mabahala dahil ire-release din ang boat captain na si Rene Isaga, 62, at mga kasamahan niya.

Subalit namangha ang sindikato ng sampahan ng kaso ni Santiago ang mga naaresto sabay kumpiska ng 23,000 litro ng bunker oil na nasa isang barge at gasoline truck. Ipinakikita lang ni Santiago na tamang daan ang tinatahak niya alinsunod sa programa ni President Aquino na ituwid ang mga alituntunin ng gobyerno n’ya at ilayo ito sa mga katiwalian.

Milyong piso ng tax ang nawawala sa gobyerno dahil sa bunker oil smuggling. Ang modus operandi ng mga ito ay binibili mula P7 hanggang P8 ang bunker oil ng mga barkong dumadaong sa South Harbor, Subic Bay at Batangas port. Meron ding dumarating na bunker oil pero sa laot pinapaihi sa mga barge. Sa ganitong sistema, walang tax na pinapasok sa kaban ng gobyerno. At hindi natitinag ang sindikato dahil nakapatong sila sa Maritime Group ng PNP at maging ng Coast Guard. Ang bunker oil ay dinadala sa isang lugar sa Luzon kung saan nire-refine at ibinebenta sa oil companies, lalo sa mga small industry players. Kung ang diesel fuel sa ngayon ay aabot ng mahigit P20 lamang eh di halos kalahati rin ang kinikita ng mga kliyente ng mga smuggling syndicate na ang linya ay bunker oil.

Ipinaliwanag ng NCRPO na may 15 foreign vessels na laging nakadaong sa Batangas port kada buwan at meron ding 12 sa Subic Bay port. Ang nasa Batangas port ay nagba­bayad ng buwis sa gobyerno na aabot sa P350 milyon subalit sa Subic Bay port ay aabot lamang sa P30 milyon. Ang laki ng diperensiya. Ang ibig sabihin n’yan me milagro na nangyayari sa Subic Bay Port. At sino ang nasa likod ng pandaraya sa gobyerno? ‘Yan ang nais sagutin ni NCRPO chief Santiago, na binigyan na ng basbas ng Department of Energy (DOE) para sugpuin ang sindikato ng bunker oil smuggling.

Show comments