AYON kay Marvic Leonen, chief negotiator ng gobyernong Pilipinas sa pakikipag-peace talks sa Moro Islamic Liberation Front, kakailanganin ang ilang pagbabago sa Konstitusyon upang pumayapa na ang Mindanao.
Naniniwala ang marami kay Leonen. Ngunit nais nila na sundin ang tamang proseso. Dapat muna pahintulutan ng mayorya ng mamamayan ang Charter amendments, bago magkabisa ang anomang peace agreement sa mga separatista. Kung hindi pumayag ang mamamayan, walang bisa ang agreement. Hindi maari manaig ang mga probisyon ng peace treaty, tapos otomatiko nitong babaguhin ang mga sinasaad ng Saligang Batas. Alam dapat ito ni Leonen bilang dean ng University of the Philippines-College of Law.
Maaalalang ibinasura ng Korte Suprema ang Memorandum of Agreement-Ancestral Domain nu’ng 2008 dahil sa maling proseso. Isinaad ng MOA-AD na otomatikong palalawakin ang Autonomous Region for Muslim Mindanao nang 747 bayan at baryo kung saan marami, pero hindi nakararami, ang Moro. Umalma ang mga Kristiyano at mga pinunong Muslim sa probisyon. Anila maari lang palakihin ang ARMM kung, ayon sa Konstitusyon, manalo muna ang panukala sa isang plebisito ng mga naninirahan sa 747 apektadong lugar.
Ganundin sa iba pang probisyon ng MOA-AD. Binalak nito na ibigay sa MILF ang pagpapatrolya ng mga ilog, lawa at karagatan ng Mindanao sa isang Bang-samoro Juridical Entity, kasama ang pamamahagi ng mining at logging permits. Kumbaga, isusuko ng central
government ang mga tungkuling ito sa MILF na bubuo sa BJE. Paglabag ito sa Saligang Batas. Dapat muna pumayag ang mamamayan sa isang plebisito.
Lahat tayo nais ang kapayapaan sa Mindanao. Sino ba ang gusto ng puro patayan; sunugan ng ari-arian, bahay at bukirin; at awayang rehiyon at relihiyon? Wala. Pero hindi maari makamit ang kapayapaan kung basta lang itataguyod ang nais ng menorya, imbis ng sa mayorya. Gulo ‘yun.