TINANGGAP na ng Pilipinas ang $434-million grant ng Millenium Challenge Corp. Gagamitin ito para labanan ang korupsiyon at para maiangat ang kalagayan ng mahihirap. Sabi ni US Secretary of State Hillary Clinton, gamitin daw sana ang grant para matulungan ang lahat ng mga Pilipino para maingat ang kalagayan sa buhay. Gamitin din para wasakin ang corruption na maituturing na cancer ng lipunan. Ang grant ay tinanggap ni President Aquino at nangakong gagamitin nang may kapararakan ang grant at mariing sinabi na dudurugin ang corruption.
Ilang linggo bago ang pagtungo ni Aquino sa US, nagpasya ang Malacañang na pagkakalooban ng tulong na pera ang mga dahop ang pamumuhay. Umano’y tatanggap ng P1,000 ang mga dahop buwan-buwan at ang mangangasiwa sa pagbibigay ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ayon pa sa balita, kukunin ang pera sa ipinagkaloob na tulong ng ibang bansa particular ang United States.
Hindi kaya sa grant na binigay ng Millenium kukunin ang pera? Posible. Wala namang ibang pagkukunan ang gobyerno kundi sa tulong ng US.
Tiyak na matutuwa ang mga mahihirap sa gaga-wing ito ng Aquino administration. Sino ba naman ang hindi matutuwa kung buwan-buwan ay tatanggap ka ng pera mula sa gobyerno? Malaking tulong sa katulad nilang isang kahig, isang tuka ang ipagkakaloob ng pera.
Binatikos naman ni Senator Joker Arroyo ang balak ng Aquino administration na lakihan ang budget ng DSWD. Balak dagdagan ng 123 percent ang budget para raw may pondo para sa mahihirap. Ayon kay Joker, unfair ito sa iba pang tanggapan ng gobyerno na halos ay karampot din ang budget. Ginawang halimbawa ni Joker ang judiciary na 1 percent lamang ang dinagdag sa 2011 budget. Ayon kay Joker, ang judiciary ay kapantay ng executive department kaya nararapat na mas malaki ang madagdag sa pondo. Kung dadagdagan ang DSWD para may maipondo sa mahihirap, dagdagan din ang iba pang ahensiya para parehas. Sa balak na pagkakaloob ng tulong na pera ng gobyerno sa mga mahihirap, sana hindi ito magturo ng katamaran sa mga dahop ang pamumuhay. Baka umasa sila nang umasa sa gobyerno. Mas mainam kung ang perang ipamumudmod ay gamitin para makapag-create ng trabaho. Turuan silang magpatulo ng pawis at hindi magpalimos.