DALAWANG mabigat na isyu ang kinasasang-kutan ni DILG Usec. Rico Puno. Una ay ang nangyaring madugong hostage taking noong Agosto 23 (eksaktong isang buwan na ngayon) at ang ikalawa ay ang pagsasangkot sa kanya na tumatanggap ng P8-milyon bawat buwan mula sa jueteng. Itinuro si Puno ni Archbishop Oscar Cruz.
Sa nangyaring hostage taking, kasama si Puno sa listahan na isinumite ni DOJ secretary Leila de Lima at nirekomendang kasuhan. Labintatlo katao ang liable sa palpak na hostage rescue na ikinamatay ng walong Hong Kong Nationals. Napatay din naman ang hostage taker.
Si Puno bilang DILG Usec. ang may responsibili-dad sa nangyaring hostage crisis pero inamin niya na wala siyang kasanayan sa pakikipagnegosasyon sa hostage taker. Isang malaking kahihiyan ang nalantad sapagkat pinagkakatiwalaan siya ni Presi-dent Aquino kaysa kay DILG Sec. Jesse Robredo. Sa pagkapahiya, nasabi noon ni Puno na, kung nagiging pabigat na siya kay President Aquino ay handa siyang magbitiw. Talaga raw labis ang pagkapahiya niya kay Aquino.
Ngayon, jueteng money naman ang kinasasangkutan ni Puno. Una nang sinabi ni Puno na marami ang nag-aalok sa kanya ng jueteng money pero ito ay kanyang tinanggihan. Alam daw niya na hindi pabor si Aquino sa jueteng. Marami raw ang nagpapaabot ng mensahe sa kanya para tumanggap ng jueteng payola. Tumanggi naman siyang pangalanan ang mga nag-aalok ng jueteng payola.
Hanggang sa isiwalat ng retiradong arsobispo ang mga tumatanggap ng jueteng money at isa nga rito si Puno na tumatanggap ng P8-milyon bawat buwan. Itinatanggi naman ni Puno ang rebelasyon ni Archbishop Cruz. Wala raw katotohanan.
Hostage crisis at jueteng money. Dalawang nakakubabaw sa pagkatao ni Puno. At ang masakit, sa bawat hampas kay Puno ay sa likod ni President Aquino bumabakat ang latay. Paano’y magkaibigan sila. Pinagkatiwalaan siya nang labis at sa dakong huli ay mabubulgar ang mga taliwas na gawain.
Pabigat nga si Puno kay Aquino at kung totoong nahihiya siya sa presidente, dapat magkusa na siyang lumisan.