MARAMI ang nagtaka kung nakaupo pa sa Palasyo si Gloria Macapagal Arroyo nang sagutin nito si Catholic Archbishop Oscar Cruz. “Magpakita ka ng pruweba,” hamon ng isa sa tatlong spokesmen ni President Noynoy Aquino nang ibunyag ni Cruz na dalawang mataas na national security officials ang tumatanggap ng jueteng payola. Ganu’ng-gan’un ang mga tagapagsalita ni Arroyo tuwing may bagong anomalyang nauungkat. Kulang na lang sabihin ng bagong Aquino admin na, “Magdemanda kayo, kita-kita tayo sa korte.”
Sa totoo lang, hindi na kailangan patunayan ni Cruz na patuloy pa rin ang ilegal na numbers game. Batid ito ng taumbayan. Nakikita nila ang mga dating kubrador na nangangalap pa rin ng taya at nag-aanunsiyo ng nanalo tatlong beses sa isang araw sa kanilang komunidad. Batid nila na pinahihintulutan ito ng pulisya at munisipyo. At wala naman silang nababalitaan na hinuli, hinabla at hinatulan ang vice lord sa kanilang probinsiya o siyudad. Samakatuwid, tuloy ang ligaya ng mga rumaraket ng hanggang P27 bilyon kada taon. At kung patuloy ang ganyan kalaking raket, tiyak na may protektor sa matataas na puwesto.
Ang may dapat na patunayan ay Aquino admin — na nilalabanan nila ang ilegal na sugal na kumo-corrupt sa pambansa’t lokal na opisyales. Hindi ito madadaan sa paghahamon sa whistleblowers na magharap ng ebidensiya. Tama si Cruz: May budget pang-intelligence ang gobyerno. Magagamit ito para kilalanin kung sino-sino ang mga jueteng lords sa bawat pook. May pondo din para sa prosecution ang gobyerno. Akma ito para ihabla ang vice lords, kundi dahil sa ilegal na bisyo ay tax evasion at iba pang kaso.
Iisa lang ang paraan para ihinto ang jueteng sa isang pook -- dakipin, alisin, burahin ang financier na jueteng lord. Gan’un naman sa lahat ng uri ng krimen: Para mawala ang patayan, nakawan, gahasaan, at iba pang kasamaan, dakipin. alisin, burahin ang kriminal.