Command responsibility
‘Di hangad ng pitak ngayo’y sariwain
mga kabiguang nangyari sa atin;
Subali’t sa dusang naging sapin-sapin
luha ng panulat ay hindi napigil!
Unang babanggitin – di pa nagtatagal
ang nangyaring gulo sa Kamaynilaan;
Bakit sa naganap nating kahihiyan
umako sa mali’y ang Pangulo lamang!
Palibhasa’y siya ang ating Pangulo
“command responsibility” kanyang natatanto;
Subali’t ang ibang dapat ding sumalo
naging papel nila ginustong itago!
Sa mga sakunang naganap sa bansa –
maraming naglaho sa bagyo at baha;
Kaya marami ring nagwalang bahala
natakot masisi sa gumuhong lupa!
Pinakamalubha na nangyari noon
patayang naganap na isang ‘massacre’;
Limampu at pitong mamamayan doon
nalibing at sukat na walang kabaong!
Sa nangyaring iyon ay walang umako
nagdaang rehimen ay hindi kumibo;
Kung kaya ang sugat sa maraming puso –
mahapding-mahapdi’t hustisya ang samo!
Kaya ang ‘massacre’ ay dapat malutas
sa panahong itong Pangulo’y matapat;
Ang puzzle ng amang noon ay tinodas
dapat ding lutasin ng mabuting anak!
Command Responsibility ay hindi ginawa
ng ilang opisyal at lider ng bansa;
Mga nagkamali iniligtas pa nga
ng ating Pangulong nasa wastong diwa!
Di ba’t tayo ngayo’y nasa tamang landas
ang mga pinuno ay dapat matapat;
Pulitiko’t hindi – dapat hindi duwag
sa maling inasal ay umamin agad!
- Latest
- Trending