PARK at your own risk…eto ang umiiral sa lahat ng parking spaces sa buong bansa, mapalibre man o may bayad.
Para sa isang ordinaryo at walang pakialam na motorista, hindi ito intindihin, kung hindi matitipuhan ang sasakyan mo, walang mawawala at walang masisira.
Subalit sa mga nabiktima ng Basag kotse Gang at grupo ng mga karnaper, nakapanlulumo ito.
Nagbayad ka na ng serbisyo para sa isang pribadong parking area, na may bakod, may taga-bantay at may pasilidad, nakarnapan ka pa.
Sagot ng mga operators, wala kaming pananagutan diyan, basahin n’yo sa likod ng parking ticket ang nakasulat.
Ang masahol sa sistemang ito, kapag parking ticket mo naman ang nawala magbabayad ka ulit ng doble o triple sa halaga nito.
Kawawang motorista, kumbaga sa labanan, dehado, talo.
Kaya’t sa kahinaan ng sistemang ito, mas lumalakas ang loob ng mga karnaper at magnanakaw na isagawa ang kanilang modus sa loob mismo ng mga pribadong parking area.
Salamat at may nakapansin ng problemang ito.Sa tulong ni Buhay Partylist Rep. Irwin Tieng, nabuksan ang problemang ito.
Ang House Bill 2047 (Parking Liability Act), ang panukalang batas na isinususog ngayon sa Kongreso.
Nilalaman ng panukalang batas na ito ang pag-iwas ng mga malls at pribadong parking lots sa anumang pananagutan katulad ng pagkasira at pagkawala ng anumang bagay sa sasakyan o mismong pagka-karnap dito.
Ipinapanukala na kung ang isang parking space ay binabayaran ang parking ticket, dapat magkaroon ng pananagutan ang mga ito sa anumang pagkasira at pagkawala sa sasakyan ng kanilang kostumer.
Ang panukalang ito ay epektibo hindi lamang sa mga operator ng mall at private parking lot sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Ngayon pa lamang, tinututukan na ito ng BITAG. Susubaybayan namin ito hanggang mai-sabatas ang HB2047 (Parking Liability Act).
Inaasahan ng BITAG na mabilis na maisasabatas ito katulad na lamang ng ginawa naming pagtutok sa R.A. 9995 (Anti-Voyeurism Act) na una ring ipinanukala ng Buhay Party List.