Banggaan
MAY banta ang ilang huwes sa bansa, na sila’y titigil magtrabaho o mag-wewelga kung mababawasan ang budget para sa hudikatura. Ayon sa kanila, marami na ngang benepisyo ang hindi nila natatanggap, bukod sa mababang suweldo kada buwan. Ayon pa kay Supreme Court Administrator Jose Midas Marquez, daing pa ng hudikatura na kulang pa sa isang porsiyento ng budget ng gobyerno ang kanilang natatanggap! At napipilitan pa silang magtrabaho sa mga lugar na hindi naman maayos, hindi mga tunay na hukuman, at ginagamit pa raw nila ang kanilang mga sariling kagamitan katulad ng mga computer at printer. Sila pa raw ang nagpapaayos ng kanilang mga bistahan at nagtatrabaho ng “overtime” para lang mabawasan ang kanilang mga hawak na kaso.
Pero kontra naman ng DBM, humihingi sila ng kuwentahan kung saan napupunta ang lahat ng mga sinisingil ng mga hukuman tuwing may nagsasampa ng kaso. Lahat ng nakokolekta ng mga hukuman ay napupunta sa isang pondo, ang Judicial Development Fund, na dapat ginagamit para sa mga allowance ng mga huwes. Gustong makita kung saan napupunta ang pondong ito, bago ibigay ang pagtaas ng budget na hinihingi ng hudikatura. Dahil may sariling pagkolekta ng pera ang hudikatura, gustong makita kung saan napupunta ito.
Mahirap talaga kapag pera na ang pinag-uusapan, o pinag-aawayan. Akala natin sa lehislatura at ehekutibo, o sa madaling salita, sa Kongreso at sa Palasyo lang nagkakaproblema lang sa bilangan ng pera. Ngayon, nanganganib na ang buong sistema ng hustisya dahil na rin sa problema sa pera. Dahil dito, hindi na rin katakataka kung bakit may mga huwes na nagiging “marumi” na rin, o tatanggap ng pera para paboran ang isang litigante sa isang kaso. Malakas ang silaw ng pera dahil sa kakulangan nito. At sa mga narinig na nating mga di kapani-paniwalang mga suweldo at benepisyo ng mga opisyal ng mga GOCC at GFI, talagang magagalit na rin ang mga huwes na ganun-ganun lang ang kanilang natatanggap. Tama rin naman ang DBM sa paghingi ng kwentahan ng kanilang mga nakukuhang pondo.
Ang masama rito, ay tila nagbabanggaan ang dalawang bahagi ng gobyerno sa ilalim ng administrasyong Aquino. Bantaan ng welga at pagbawas ng budget. Ito’y hindi kailangan ng administrasyong ito sa ngayon, o kailan man. Kaliwa’t kanan na ang bantaan ng welga at tigil-trabaho. Hindi na siguro dapat sumasali pa ang gobyerno. Magkaayusan na lang sana.
- Latest
- Trending