Editoryal Â- Imbestigasyon ng Department of Justice
MANILA, Philippines - M AAARING bukas (Miyerkules) o Huwebes ay mayroon nang resulta ang imbestigasyon na isinasagawa ng Department of Justice (DOJ). Dapat kahapon tinapos na ang imbestigasyon at inihahanda na ang resulta ng report pero sabi ng investigating committee, kailangan pa nilang mag-extend ng ilang araw sapagkat meron pang tatanunging witnesses at magkakaroon pa ng reenactment sa nangyaring hostage drama. Walong Hong Kong tourists ang pinatay ng hostage taker na si dating police Senior Inspector Rolando Mendoza. Ang madugong trahedya ay nagiging banta sa pagkalamat ng relasyon ng Pilipinas at Hong Kong.
Ang resulta ng imbestigasyon na isinasagawa ng DOJ ang kailangang maibigay sa Hong Kong authorities sa lalong madaling panahon para ganap na mabuhusan nang malamig na tubig ang nararamdamang galit ng mga taga-Hong Kong. Sa nangyaring hostage taking, agad na nagbigay ng warning ang Hong Kong sa kanilang mamamayan na huwag mag tungo sa Pilipinas. Ang kautusan ay labis na nakaapekto sa turismo ng Pilipinas. Nabawasan ang mga dayuhang nagtutungo sa bansa dahil natatakot na maulit sa kanila ang nangyari sa Hong Kong nationals.
Bago ang imbestigasyon ng DOJ, nauna nang nagsagawa ng imbestigayon ang Senado pero nakadidismaya sapagkat wala namang narating na resulta. Nakatikim lamang ng pagmumura ang mga opisyal ng Manila Police District (MPD) sa dalawang senador. Nilait-lait lamang ang mga ipinatawag sa kanilang imbestigasyon. Walang kinahinatnan sapagkat tila nagpapayabangan lamang sa pagtatanong ang mga senador.
Mabuti na lang at nagsagawa ng imbestigasyon ang DOJ kung saan ay malayung-malayo sa ginagawa ng mga maaangas na senador. Walang maririnig na pagmumura o panlalait sa mga witnesses bagkus ay mahinahon ang mga pagtatanong. Kaya naman, nasubaybayan nang mga manonood at tagapakinig ang imbestigasyon. Malinaw na nasusundan ang mga pangyayari sapagkat maayos ang pagtatanong at walang kaguluhan.
Sa takbo ng imbestigasyon ng DOJ, magkakaroon ng magandang resulta at malalantad ang katotohanan. Mananagot ang mga may kasalanan sa palpak na rescue at mabubuhusan ng tubig ang poot ng mga taga-Hong Kong.
- Latest
- Trending