Sa ngayon ay kalat na ang litanya ng mali sa naganap na hostage tragedy. Ang Pinoy talaga – tuwing may ganitong pangyayari, lahat nagiging overnight expert. Hindi rin mapigilan dahil sa publisidad na ibinigay sa mga pagkukulang ng kinauukulan. Titigil lamang ito kapag nagawa na ng pamahalaang pangatawanan ang pagkakamali at magbigay ng pamumuno sa bayan. Sa ganitong mga oras ng krisis – ang kailangan ng bansa ay malakas at matatag na liderato. Hilong hilo na tayo sa batikos – mula sa labas at mula na rin sa sarili natin. Sino ang pupulot at magtataas ng sulo upang magbigay ng liwanag sa dilim?
Sa ngayon, mukhang kay Leila de Lima na naman tayo lilingon para sa inspirasyon. Hindi pa yata sapat na inako na niya lahat ng imbestigasyon: Dacer-Corbito, Oakwood at Peninsula, Zte-Nbn at maging ang pagdepensa sa Truth Commission at pag-akda ng mga Malacañang executive orders. Ngayon ay sa kanya rin bumagsak ang HK hostage tragedy. Si Sec. De Lima ang mamumuno sa Joint Incident and Investigation Review Committee (JIIRC).
Hindi nga lang maintindihan kung bakit miyembro ng committee si DILG Secretary Jesse Robredo at ang Communications Group sa katauhan nina Sec. Herminio Coloma at Ricardo Carandang. Sa talaan nino man, prominente ang pangalan ng mga ito sa mga dapat hingan ng paliwanag. Ano, iimbestigahan nila ang kanilang sarili? Nasa ilalim din ng pamunuan ni Robredo ang Philippine National Police (PNP). Sa mga operasyon ng PNP, lahat ng oras ay sumasagot sila sa DILG Secretary. Paano nito susuriin ang mga aksyon ng isang opisinang siya rin ang may pananagutan?
Isang tidal wave ng kapalpakan ang umanod sa atin. Hindi na nga mahalaga kung kaninong baril nanggaling ang mga balang natagpuan sa eksena dahil hindi nito mabubura ang katotohanang nagkulang ang pamahalaan. Mas katanggap tanggap pa kung kusa na lang akuin ng mga opisyal ang kanilang pagkamali, magbitiw sa tungkulin at humingi ng kapatawaran. Hindi tulad nitong parang may second wave ng kapalpakan na pinupu-kol sa ating ulunan. Habang nagtatago sila sa palda ng Pangulo, lalo lang titindi ang pagkadismaya ng tao. Kailangang harapin ang katotohanan dahil ito na lamang ang tangi nating pag-asa upang makaaahon sa trahedya.