'Killer harina' aksyonan na

PANAHON pa ni dating Presidente Arroyo ay malaking isyu na ang paglaganap sa bansa ng nakaka-cancer na harina mula sa Turkey. Naku naman! Bakit Pilipinas ang laging tapunan ng mga kontaminadong produkto?! Hangga ngayon ay hindi pa masawata ang anomalyang ito.

Umaksyon na po kayo Finance Secretary Cesar Purisima at Customs Commissioner Angelito Alvarez dahil karamihan ng Pinoy ay tumatangkilik ng mga produktong pandesal at noodles na gawa sa harina. Di ubrang bale-walain ang technical smuggling ng mapanganib na kalakal na ito. Noong nakaraang linggo, pinatawan ng Indonesia ng anti-dumping levy ang naturang produkto.

 Sabi nga ni People’s Movement Against Poverty (PMAP) chair Ronald Lumbao “Ang undervaluation ng Turkish flour sa Pilipinas at ang pagpasok nito sa Indonesia sa sobrang baba ng presyo ay walang pinagkaiba.” Dapat nang magpakita ng political will sina Purisima at Alvarez para matuldukan na ang problemang ito.

 Sabi ng PMAP, dapat lang silipin ng naturang mga opisyal ang record ng Customs para malaman na tulad ng sa Indonesia ay undervalued talaga ang Turkish flour pagpasok sa ating bansa.

 Nagprotesta ang PMAP sa pagbubukas ng World Food Expo sa Pasay City noong Agosto 7. Kinondena ang pagtatambak sa bansa ng anila’y “basurang” harina. Ang produktong ito’y napatunayan nang Journal of Food na kontaminado ng nakakakanser na mycotoxin.

 Ibig ng PMAP na sibakin si Trade Undersecretary Zenaida Maglaya dahil gustong panatilihin ang pagpasok sa atin ng produktong ito na isinusuka na sa ibang bansa. Commitment daw ito ng Pilipinas sa Turkey at baka raw mademanda ang Pilipinas. Anoh??!!

 Ano ba iyan? Pinagmamalasakitan ba ni Maglaya ang Turkey kaysa kapakanan ng milyun-milyong Pilipino?

 Tama ang hinaing ng PMAP. Dapat maging maka­bayan ang mga opisyal imbes na matakot sa dayuhang interes. Hindi nila dapat isakri-pisyo ang mismong kalusugan at kaligtasan nating mga Pilipino. Hindi maikakaila na nagkaroon ng advance copy ng FDA test result ang Turkish Embassy sa Pilipinas dahil ito’y opisyal lang na inilabas ng FDA noong Abril 15, samantalang ang noo’y Turkish Ambassador na si Adnan Basaga ay nagbigay ng pahayag na inilathala ng isang pahaya-gan noong Abril 1, na umano’y pumasa na sa pagsusuri ng FDA ang Turkish flour.

Show comments