Pagsubok o parusa?
Di ko inakalang pawang kasawian
ang makikita ko sa loob ng bayan:
May sunog, may bagyo, may baha, may ulan
at naglahong tubig sa mga tahanan!
Pinakamalubha sa mga disaster –
tubig na nawala sa Metro at liblib;
Milyun-milyong tao ay walang maigib
matanda at bata uhaw ang kaniig!
Ang ulan at bagyo sa tuwng daraan
nag-iiwan ito ng bahang panggunaw
Pagguho ng lupa laging dumaratal
Ang nauulila’y mga mamamayan!
At ang sunog naman kapag nangyayari
buhay at kalakal siyang napipirde;
Ang mga bumbero trabaho’y nadoble –
pumatay ng apoy, magpuno ng balde!
Kailan, kailan kaya magbabago
ang ganitong swerte nating Pilipino?
Waring nagaganap parusa sa tao
kung di magtitigil malilipol tayo!
Ito kaya’y dulot ng bagong panahon
o mga pagsubok nitong Panginoon?
Baka ang marapat ay magdasal ngayon –
tayong mga taong sa sala ay baon?
Wala namang giyerang dapat sagupain
at mga dayuhang gusto’y mang-alipin;
Ang kalaban ngayon ay sarili natin
na maging matatag sa mga tiisin!
Ang mga pagsubok ay malalampasan
kung laging matatag itong sambayanan;
Tayo ay manalig sa pamahalaan
na ito’y dadamay sa dapat tulungan!
Manalig din tayo sa sariling sikap
upang ang ligalig ay mabigyang wakas;
Ang mga problema’y maglalaho agad –
kung tayo’y kikilos – sama-samang lahat!
- Latest
- Trending