IPINAGDIRIWANG ngayon ang pagkatatag ng Filipino-Diocesan Priest-Missionaries of the Mission Society of the Philippines o Fil-Mission Sunday. Ipinaaalaala sa atin na “maawain at mapagpatawad ang Panginoon”. Mapagpaumanhin Siya sa ating kapangahasan. Noong panahon ni Abraham ay planong lipulin ng Diyos ang lahat ng tao sa Sodom at Gomorra may kasalanan man o wala subalit sa pagmamakaawa ni Abraham ay nagpatawad ang Diyos kahimat sasampung katao ang nalalabing walang kasalanan.
Ang buod ng panalangin ay ang pagtawag natin sa Ama. Kaya’t ayon sa Salmo: “Noong ako ay tumawag tugon mo’y aking tinanggap”. Sa pagpapatawad sa atin ng Panginoon ay muli tayong binuhay ng Diyos kasama si Hesus. Ibinahagi ni Hesus sa atin ang Kanyang panala-ngin sa kanyang Ama. Kaya tinuruan tayo sa pamamagitan ng mga Alagad ng panalangin sa ating Ama. Ang ginamit ni Hesus sa Kanyang panalangin sa wikang Aramaic ay ABBA ibig sabihin ay “Mahal na Ama”. Ang itinuro sa atin ay ABHINU sa salitang Griyego “AMA NAMIN” ayon sa ebanghelyo ni Mateo at Lukas.
Kaya sa ating panalangin ay hindi magsasawang tumulong sa atin ang Diyos lalung-lalo na sa ating paghingi ng kapatawaran sa mga nagawang kasalanan. Kung bibigyan natin ng lalim at taos-pusong pakikipag-usap sa Pa-nginoon ay dadaloy sa ating buhay ang Kanyang awa at kapatawaran. Ang gantimpala nito ay ang kanyang sinabi sa atin na kung tayo’y patuloy na humingi tayo’y bibigyan, humanap at tayo’y makasusumpong, kumatok at ang pinto’y bubuksan. Higit sa lahat ang ibibigay niya sa atin ay Espiritu Santo sa tuwing hihingi sa Panginoon.
Ang kauna-unahan nating lalapitan ay ang Espiritu Santo. Kung anuman ang ating pangangailangan at paghingi ng kapatawaran ay ang Kanyang liwanag ang ating kailangan. Sa paglutas ng ating mga suliranin sa buhay ang Espiritu Santo ang ating gabay. Sa ating mga problema, ang una nating lalapitan ay ang Espiritung Banal. Ang nangyayari ay inuuna natin ang init ng ulo at galit ng damdamin.
Kaya sa huling sandali ng inyong pagbasa sa aking artikulo ngayon ay tumahimik tayong sandali, buksan ang puso’t isipan at taimtim na dasalin ang AMA NAMIN. Asahan natin ang sinabi ni Hesus sapagkat tumatanggap ang humihingi, nakasusumpong ang humahanap at binubuksan ang pinto sa kumakatok.
Gen18:20-32; Salmo137; Col2:12-14
at Lk11:1-13