Nakausap namin ang dating Department of Health Secretary na si Dr. Jaime Galvez Tan sa aming radio program sa DZRH (tuwing Sabado 5:30-6:30 ng hapon). Pinag-usapan namin ang problema ng maysakit sa ating bayan at ano ang magagawa natin dito.
Ayon kay Doc Jaime Galvez Tan, may 3 magagawang solusyon sa problema ng pangkalusugan.
Una, gamitin ang pondo ng PhilHealth para mai-enroll ang 5 milyong mahihirap na Pilipino. Sabi ni Dr. Tan, may sobrang pera ang PhilHealth na puwedeng gamitin taon-taon. Kailangan din palawakin ang PhilHealth para sagutin hindi lamang ang pagka-ospital kundi pati ang out-patient services o iyung konsulta sa doktor. Ayon sa pananaliksik ni Dr. Tan, hindi dapat matakot ang PhilHealth na mauubos ang kanilang pondo dahil kapag maaga nating magamot ang sakit tulad ng altapresyon at diabetes ay maiiwasan natin ang pagkaka-ospital ng pasyente. Hindi lang si Dr. Tan kundi ang dating Health Secretary na si Dr. Alberto Romualdez ay sang-ayon din sa paggamit ng pera ng PhilHealth.
Bakit hindi ito ginagawa? Ang kailangan lamang ay political will o ang utos ng mga namumuno para maitupad ito.
Pangalawa, kailangan pa nating pababain ang presyo o maibigay ng libre ang 15 pangunahing gamot (essential medicines) para sa 5 hanggang 11 milyong mahihirap na Pinoy. Kasali sa 15 gamot ang isang gamot sa high blood pressure, diabetes, kirot, antibiotic, at iba pa. Sabi ni Doc Jaime Galvez Tan, may kakayahan ang ating gobyerno na bilhin ito sa napakamurang presyo sa world market.
Bakit hindi maitupad ang tunay na Cheap Medicines Bill? Sana naman ay maintindihan ng ating mga kaibigan sa ibang industriya (mga drug company at botika) na ang 15 gamot na ito ay para lamang sa talagang mahihirap na pasyente na walang pambili ng gamot. Hindi dapat gaano maapektuhan ang kanilang mga negosyo.
Pangatlo, nilinaw din ni Dr. Tan na kailangan natin ng sapat na Family Planning, na nakatuon sa mga mag-asawang mahihirap na maraming anak. Bawat taon, may 2 milyong bata ang ipinanganganak sa Pilipinas. Ayon sa pagsusuri, 55% dito ay hindi naiplano. Kung mababawasan natin ng bahagya ang pagdami ng ating populasyon, mas marami tayong pondo na maibibigay sa bawat Pilipino.
Nililinaw ni Dr. Tan na siya ay isang Katoliko at ang Family Planning ay dapat akma din sa ating paniniwala. Marami tayong mapupulot na aral sa mga plano ni Dr. Tan.