NAWALAN umano ng preno ang V&JA bus habang mabilis na tumatakbong pababa sa kurbada kaya walang naisip na paraan ang drayber na si Diosdado Requiso, 48, kundi ibangga ito sa konkretong bakod. Nangyari ang malagim na aksidente sa Toledo City, Cebu noong Sabado. Kung hindi raw niya ibinangga sa bakod, maaaring sa mga kasalubong na sasakyan bumangga ang bus na umano’y umaapaw sa pasahero. Maari rin daw mahulog sa bangin ang bus kundi niya ibinangga sa bakod. Ang resulta ng ginawa ni Requiso: 15 ang patay! Si Requiso ay nagkagalos lang ng kaunti sa braso. Sinampahan na siya ng reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries. Sinuspinde na rin ng LTFRB ang operasyon ng bus company.
Ang V&JA ay kabilang na sa bus ni Kamatayan. Dahil sa pagiging iresponsable ng drayber at mismong may-ari ng bus company, inihulog nila sa hukay ang 15 pasahero kabilang ang mga walang muwang na bata. Iresponsable at dapat lamang panagutin ang drayber at may-ari sapagkat hindi nila siniguro kung ligtas ang pampasaherong bus nang umalis sa terminal. Umano’y sobra sa pasahero ang bus. Maraming nakatayo. Ang may-ari rin ang may pananagutan sa pag-hire sa driver na maaaring walang kasanayan o kamuwangan sa pagmamaneho. Ayon sa Highway Patrol Group, ang nararapat na bilis lamang para sa mga pampasaherong bus ay 50 kph. Ayon sa mga nakasaksi, mabilis ang pagpapatakbo ni Requiso gayung palusong at may kurbada. Hindi dapat nagmamaneho ang katulad ni Requiso na walang kamuwangan. Dapat siyang parusahan nang mabigat katulad din nang mabigat na parusang ibibigay sa may-ari ng bus company.
Isang buwan na ang nakararaan, isang tourist bus ang nawalan din umano ng preno at nahulog sa bangin at ikinamatay ng 20 pasahero na pawang Iranian medical students.
Parami nang parami ang bus ni Kamatayan at inilalagay sa peligro ang buhay ng mga pasahero. Hindi lamang ang mga bus na biyaheng probinsiya ang naaaksidente kundi pati rin ang mga bumibiyahe sa mga lansangan sa Metro Manila partikular sa EDSA.
Kumikilos nga ba ang LTFRB at LTO o ang DOTC ukol sa mga bus ni Kamatayan? O walang ginagawa? Kailan nga kaya sila kikilos para tuluyang mawalis sa lansangan ang mga bus ni Kamatayan?