Manggagawa sa bukirin
PURIHIN natin ang Panginoon. Magalak ang lahat sapagka’t sabi ng Panginoon: “Padadalhan kita nang walang katapusang pag-unlad. Ang kayamanan ng ibang bansa ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog. Akong Panginoon ang kumakalinga sa mga tumatalima sa akin”.
Kahima’t ang ating mga pagbasa ng lingguhang pagdiriwang ay matagal nang panahon na inihanda ng liturhiya ng ating simbahan sa bahagdang Taong A, B, K ay parang ihihanda para sa atin ng Panginoon upang iugnay ito sa mga nagaganap sa ating bansang Pilipinas.
Angkop na angkop ang unang pagbasa sa ating bagong Presidente Noynoy C. Aquino. Pang-apat na araw na niya ngayon ika-apat ng Hulyo (Independence day pa sa Amerika) ang kanyang pagkakaupo sa ating pamahalaan. Ang Salmo 65 nawa’y magdulot sa kanya ng biyaya ng Poong Maykapal. “Sanakalupaang nilalang, galak sa Poo’y isigaw”.
Igagdag pa natin ang sulat ni Pablo na ang krus at pag-papakasakit ng isang pinuno ang ipagmamapuri sa Panginoon, sapagka’t mapapasa-atin ang kanyang pagpapala. Maging ang ebanghelyo ngayon sa ating pagdiriwang ayon kay Lukas 10:1-12, 17-20 ay isang paalaala kay President Aquino na “humirang ka ng 72 (inaugural cabinet members for their appointment and first meeting).
Pinauna niya sila nang dala-dalawa sa bayan at pook na patutunguhan (pamamahalaan) niya.”
P’noy manalangin ka sa Panginoon upang “magpadala siya (ka) ng mga manggagawa sa bukirin. Humayo kayo! Huwag kayong magdala ng mga lukbutan, supot
(para nakawin ang kayamanan ng bayan). Huwag na kayong titigil sa daan upang makipag-inuman” at magpakasarap ng buhay. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay (bayan), sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay (bayang) ito”.
Asahan natin kung wagas at may kabanalan at katarungan ang pamumuno ni P’noy ay makasisiguro tayo na muling isisilang at magnining-ning ang Perlas ng Silangan. Gabayan mo po kami Panginoon sa aming tunay na landasin ng kapayapaan at kasaganaan. Amen!
Is 66:10-14k; Salmo 65; Gal 6:14-18 at Lk 10:1-2, 17-20
- Latest
- Trending